
- Dinepensahan ni Sen. Pacquiao si Sen. Lacson laban sa mga ata
keng mga pro-admin trolls sa social media - Ginagawa lang umano nila ang kanilang trabaho sa Mataas na Kapulungan
- Dapat daw ay pasalamatan pa si Lacson dahil sa krusada nito laban sa corruption
Ipinagtanggol ni Senador Manny Pacquiao ang kaniyang kasamahan na si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson’ laban sa mga batikos ng mga pro-administration troll dahil sa ginagawang pagbubulgar ng huli sa diumano’y katiwalian sa Philhealth.
Ayon kay Pacquiao, ginagawa lang ni Lacson ang kaniyang trabaho at tulad ni Pangulong Duterte, iisa lang ang kanilang kalaban – mga scalawags at tiwaling opisyal sa gobyerno.

“Huwag naman sanang masamain itong mga ginagawang pagbubunyag ni Senator Lacson. He is just doing his job,” anang senador mula sa GenSan.
Imbes na batikusin daw si Lacson, dapat daw ay pasalamatan pa ito dahil sa kaniyang ginagawang krusada laban sa kurapsiyon.
“Kami sa Senate, we are just exercising our oversight powers to protect our people from thieves posing as government officials,” dagdag pa ng mambabatas.
Hindi umano si Senador Lacson, ang vice chairman ng Committee of the Whole na siyang nangunguna sa imbestigasyon sa Mataas na Kapulungan, ang kalaban ng estado kung hindi ang mga corrupt na mga opisyal sa Philhealth.

Dagdag pa ng senador, ginagawa ng Senado ang imbestigasyon ‘in aid of legislation’ at maaari lang silang magrekomenda ng kaukulang aksiyon base sa kanilang mga natuklasan.
“We are presenting the facts through witnesses and material evidence that may be presented and can recommend the filing of charges if needed,” ayon pa kay Pacquiao.
Ganun pa man, nasa kamay pa rin umano ng punong ehekutibo ang kapangyarihan para tanggalin sa puwesto ang mga nagkasalang opisyal ng pamahalaan.