Paggamit ng wikang Filipino sa pagpapakalat ng impormasyon sa COVID-19 hinihikayat upang madaling maunawaan

Imahe mula sa KWF
  • Hinihikayat ng KWF ang paggamit ng wikang Filipino at iba pang katutubong wika sa pagbibigay-kaalaman tungkol sa COVID-19 pandemic
  • Isinalin ng KWF ang mga COVID-19 infographics sa ilang katutubong wika para mas madali itong maunawaan ng publiko
  • Magdaraos ang KWF ng short poem writing contest na ang theme ay COVID-19

Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, hinihikayat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang paggamit ng wikang Filipino at iba pang katutubong wika sa pagpapakalat ng mga impormasyon ngayong may COVID-19 pandemic.

Imahe mula sa KWF

Ito ay upang mas lubos na maunawaan ng mga mamamayan ang mga impormasyong ipinakakalat ng pamahalaan hinggil sa COVID-19.

“Ang mahalaga po rito ay magamit ang wikang Filipino sa panahon ng pandemya kasi alam nating mga kababayan na talagang naghihirap tayo sa mga nangyayari ngayon,” sabi ni KWF commissioner Arthur Casanova sa Laging Handa briefing noong Sabado, August 1.

Ang KWF ay tumutulong sa Department of Health at iba pang sangay ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga COVID-19 infographics sa iba’t ibang wika na ginagamit sa bansa. Sa pamamagitan nito ay mas madaling mauunawaan ng publiko ang mga bagay na nais ipabatid ng pamahalaan tungkol sa pagsugpo sa coronavirus.

“Patuloy pa rin pong isinasagawa ang pagsasalin na ‘yan. Naghihintay po kami ng kahilingan sa mga gusto nilang infographics na maisalin sa wikang Filipino at ibang katutubong wika,” ani Casanova.

Imahe mula sa KWF

Sinabi pa ni Casanova na naisalin na nila sa 10 katutubong wika ang mga infographics at nakikipagtulungan na sa mga katuwang na ahensya ng pamahalan upang maipalaganap ang mga iyon.

Hinihimok ng komisyon ang lahat na gumamit ng wikang Filipino at iba pang katutubong wika sa pagbibigay-kaalaman tungkol sa COVID-19.

Imahe mula sa KWF

“Gamitin ang wikang Filipino, kasabay ng paggamit ng iba pang katutubong wika sa kani-kanilang lugar para mas mapabilis at higit na maunawaan ang mga impormasyon at kabatiran hinggil sa pandemya,” ani Casanova.

Kaugnay nito, magdaraos ng short poem writing contest ang KWF na may temang COVID-19 bilang paghihikayat sa mga kabataan na magkaroon ng ambag sa pagpapakalat ng mga impormasyon tungkol sa pagsugpo sa sakit.

Imahe mula sa KWF
Source :

ABS-CBN, MSN, Facebook

Loading…