Pagiging National Artist ni Ramon Revilla Sr., isinusulong ng ilang senador

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Bong Revilla Jr.
  • Isinusulong ng dalawang senador na mahirang bilang National Artist si Ramon Revilla Sr.
  • Parehong nag-file ng magkahiwalay na resolusyon sina Senador Pacquiao at Senador Gatchalian para dito
  • Nais ng mga mambabatas na kilalanin ang mga naiambag ni Revilla sa sining at pelikula

Isinusulong ng dalawang mambabatas sa Mataas na Kapulungan ang panukala na gawing National Artist ang pumanaw na batikang action star na si Ramon Revilla Sr.

Nag-file ng magkahiwalay na resolusyon sina Senador Manny Pacquiao at Senador Sherwin Gatchalian para i-nominate sa National Artist Awards ang ama ng kasamahan nilang si Senador Bong Revilla Jr.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Bong Revilla Jr.

“Ramon Revilla Sr is a renowned entertainment icon, actor, producer, writer and director, and a public servant,” anang resolusyon ni Pacquiao.

“Through the years, he has contributed immensely in the development of Philippine art. His movies depicted not only the Filipino way of life, but also our unique culture and strong ideas,” dagdag pa nito.

Ganito rin halos ang nilalaman ng Senate Resolution No. 482 ni Gatchalian na nagsabing ang iniwang legacy ng actor-director ay hindi dapat mapawalang-bahala.

“He is a genuine gem who has contributed much to the proliferation and appreciation of the arts in our country,” ayon naman kay Gatchalian.

Nagpaalam sa mundo si Ramon Revilla Sr., o Jose Bautista Sr.,  sa tunay na buhay, noong Hunyo 26 sa edad na 93. Ilang taon din siyang nakatali sa wheelchair bago tuluyang iginupo ng kaniyang karamdaman.

Imahe mula sa Video48

Si Revilla Sr., na kilala rin sa tawag na ‘Hari ng Agimat’ ay isa sa maituturing na haligi ng pelikulang Pilipino katulad nina Fernando Poe Jr., Dolphy, Joseph Estrada at Eddie Garcia.

Tumatak sa mga Pinoy ang kaniyang pagganap sa papel ng mga kalaban ng batas na nagtataglay diumano ng anting-anting tulad nina Nardong Putik, Kapitan Inggo (Kumakain ng Bala), Pepeng Kuryente, Pepeng Agimat at marami pang iba.

Nagsilbi rin bilang senador ang Revilla patriarch sa loob ng dalawang termino mula 1992 hanggang 2004. Ang kaniyang anak na si Bong Revilla Jr., ang sumunod sa kaniyang yapak sa larangan ng pelikula at pulitika.

Ilan sa mga nagawaran ng National Artist Award mula sa mundo ng pelikula ay ang mga direktor na sina Lino Brocka at Ishmael Bernal at ang Hari ng Pelikulang Pilipino na si FPJ.

Loading…