Pagmumulta sa mga magkaangkas sa motorsiklong walang barrier sinimulan na

Imahe mula sa Wheels PH
  • Sinimulan na ang mahigpit na pagpapatupad ng paglalagay ng protective barrier sa motorsiklo na gamit ng mag-asawa at magka-live-in
  • Multang mula P1,000 hanggang P10,000 ang naghihintay sa mga violators
  • Ang mga barriers na ang disenyo ay aprubado ng pamahalaan ang tanging papayagan

Sinimulan na ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang pagpapataw ng multa sa mga magkaangkas sa motorsiklo na walang nakakabit na barrier ngayong araw ng Sabado, ika-1 ng Agosto.

Imahe mula sa Wheels PH

Ito ay matapos ianunsyo ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield na wala nang extension sa deadline ng pagkakabit ng protective barrier sa mga motorsiklo.

“For more than three weeks, we were just warning and advising the violators to comply until July 31. As the grace period ends today, we expect that all motorcycle riders have already complied in order for them to avoid inconvenience as they go to work and ride back home,” pahayag ni JTF commander Lt. Gen. Eleazar Guillermo noong Biyernes.

Batay sa guidelines na inilabas ng PNP Directorate for Operations sa pakikipagtulungan ng  Land Transportation Office na aprubado ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, inaatasan ang lahat ng police commanders at ang PNP-HPG na simulan na ang panghuhuli at pagpapataw ng multa sa mga violators.

Ang mga lalabag ay magmumulta ng mula P1,000 hanggang P10,000.

Imahe mula sa Business Mirror

Sa ngayon, ang pinapayagan lang na magkaangkas sa isang motorsiklo ay mag-asawa at magka-live-in.

“Naka-ready na po ang ating mga tauhan upang hulihin ang mga magkaangkas sa motorsiklo na walang barriers. Kapag may nakita tayong magkaangkas tapos walang barrier ay paparahin natin ‘yan,” wika ni PNP-HPG director Police Brigadier General Eliseo Cruz.

Nilinaw ng opisyal na ang mga protective barrier na pahihintulutan ay ang mga disenyong aprubado ng awtoridad. Hindi rin maaari ang ibang materyales tulad ng karton o plywood.

Ang protective barriers na aprubado ng national government ay ang disenyo mula sa Bohol local government at ride-sharing company na Angkas. Tiniyak ni Brig. Gen. Cruz na pasado sa safety standards ang dalawang disensyo.

Imahe mula sa Bohol LGU/Angkas
Source :

GMA Network, PNA

Loading…