Palasyo ‘nagagalak’ na hindi 100% ang nawalan ng trabaho ngayong pandemya

Imahe mula sa iMoney
  • ‘Nagagalak’ ang Palasyo sapagkat 45% lang ang nawalan ng trabaho ngayong pandemiya
  • Patunay daw ito ng ‘resiliency’ ng mga Pinoy sa gitna ng mahirap na sitwasyon
  • Mainit pa ring pinagdedebatehan ng Gabinete kung bubuksan na ba ang ekonomiya o pananatilihin muna ang lockdown

Para kay Sec. Harry Roque, ang tagapagsalita ng Malakanyang, hindi na nakagugulat na halos kalahati ng mga Pilipino ay nawalan trabaho ngayong panahon ng krisis sa COVID-19 at naka-lockdown ang mga mamamayan ng ilang buwan.

Sa ginawang televised briefing ngayong Lunes, sinabi ni Roque na patunay lamang ito ng katatagan ng mga Pilipino kahit nasa gitna ng paghihirap.

Screenshot mula sa Facebook video NG RTVM

“Ako po’y nagagalak na hindi tayo 100 percent na nawalan ng trabaho. Kasi sa tagal po na naka-lockdown tayo, talagang I’m still surprised at our resilience at 45% pa lang ang nawawalan ng trabaho,” wika ni Roque.

Sa lumabas kasi na survey ng Social Weather Station (SWS), nasa 45.5 porsyento ng mga respondents ang nagsabing nawalan sila ng trabaho ngayong Hulyo 2020. Katumbas ito ng 27.3 milyong Pilipino sa buong bansa at mas mataas kumpara sa naitalang 17.1 porsyento lamang noong December 2019.

“It could have been worse kasi nga po complete lockdown ang nangyayari sa atin,” dagdag pa ni Roque.

Noong nakaraang linggo, inanunsiyo rin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na sumasadsad na sa recession ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng coronavirus pandemic matapos lumubog ang gross domestic product (GDP) sa 16.5% sa pangalawang quarter nitong taon.

Imahe mula sa PNA

Mainit umanong pinagdedebatehan sa Gabinete ang mga susunod na hakbang ng pamahalaan para pasiglahing muli ang ekonomiya. Nahahati ito sa mga gustong buksan na ang mga negosyo at yaong nais panatilihin ang lockdown dahil sa banta ng coronavirus.

“Ilulunsad na nga po natin ‘yung ating kampanya na ingat buhay para sa hanapbuhay. Ang solusyon po, kinakailangan buksan ang ekonomiya. Dahil talaga naman pong wala pa rin trabaho ang karamihan kung mananatili ang mga lockdowns,” ayon pa sa opisyal.

Loading…