Palasyo pinabulaanang lumabas ng bansa si Pangulong Duterte

Screennshot mula sa RTVM video
  • Pinabulaanan ni Roque na lumabas ng Pilipinas si Pangulong Duterte
  • Nananatili umano sa bansa ang presidente at patuloy na binabantayan ang kasalukuyang sitwasyon
  • Hindi naman malinaw kung saan nagmula ang nasabing report at ‘di rin nabanggit kung bakit kailangang lumipad palabas ng bansa ang Pangulo

Pinabulaanan ng Malakanyang na lumabas ng Pilipinas si Pangulong Rodrigo Duterte nitong nagdaang weekend sa gitna ng umiiral na COVID-19 pandemic.

Nananatili umano sa bansa ang presidente at patuloy na pinangangasiwaan at binabantayan ang kasalukuyang sitwasyon, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Imahe mula sa Facebook ni Atty. Harry Roque

“There is no truth that President Rodrigo Roa Duterte left the country this weekend,” ani Roque sa ginawang pahayag nitong Linggo, ika-16 ng Agosto.

“The Chief Executive is in the Philippines and closely monitoring the COVID-19 situation in the country,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Palasyo.

Hindi naman malinaw kung saan nanggaling ang report tungkol sa paglipad umano ni Duterte patungo sa ibang bansa at hindi rin nabanggit kung bakit kailangang gawin ito ng Pangulo.

Hindi rin nagbigay ng update si Roque kung saan ngayon nananatili ang presidente.

Lumipad patungong Davao City ang Pangulo sa unang linggo nitong kasalukuyang buwan. Huli siyang nakita sa publiko sa pamamagitan ng televised address noong Agosto 10, halos isang linggo na ang nakararaan.

Screenshot mula sa RTVM video

Nakatakdang makipagpulong ang punong ehekutibo sa mga kasapi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF) para pag-usapan kung ano ang kahihinatnan ng COVID  lockdown sa Metro Manila at sa karatig-probinsiya nito.

Magugunitang isinailalim ng Pangulo sa modified enhanced community quarantine o MECQ ang NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal noong Agosto 4 at ito ay magtatapos sa Martes, Agosto 18.

Inaasahan nitong Lunes, Agosto 17 na magbaba ng desisyon ang Malakanyang kung palalawigin pang muli ang MECQ sa mga nabanggit na lugar o ibaba na ito sa mas maluwag na lockdown.

Loading…