Palasyo sa pagkakatalaga kay Robin sa Phil. Army: ‘Pinakikinggan siya ng tao’

Mga imahe mula sa Facebook
  • Dumistansiya ang Palasyo sa pagkakahirang kay Robin sa communication board ng PA
  • Subalit inamin naman nitong pinakikinggan pa rin ng tao ang isang Robin Padilla
  • Inamin rin ng PA na tumanggi noon si Padilla sa kanilang alok dahil ayaw niya itong mahaluan ng pulitika

Bagama’t naghugas-kamay ang Palasyo sa pagkakatalaga kay Robin Padilla bilang chairperson ng Strategic Communication (StratCom) Committee ng Philippine Army, inamin naman nito na ang media personality na tulad ng aktor ay pinakikinggan ng mga tao.

Sa ginawang televised press briefing nitong Lunes, sinabi ni Roque na ipinauubaya na niya sa pamunuan ng militar ang pagkahirang kay Padilla upang pamunuan ang communications panel ng Multi-Sectoral Advisory Board (MSAB) ng PA.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

“Pinapabayaan po natin iyan sa AFP dahil alam naman nila ang kanilang pangangailangan,” ani Roque.

Umani kasi ng negatibong reaksiyon mula sa netizens ang ginawa ng Philippine Army. Karamihan sa tumutol sa appointment ni Binoe ay kinukuwestiyon ang kaniyang kakayahan at ang pagiging masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Subalit ayon sa PA, si Padilla ay Muslim youth advocate at may kakayahang impluwensiyahan ang mga kabataang Muslim upang mailayo ito sa karahasan.

Ganito rin ang naging pananaw ni Roque. Aniya, hindi maikakailang pinakikinggan pa rin ng tao ang isang Robin Padilla.

Imahe mula sa Facebook – Phil. Army

“At saka siyempre po hindi natin matatanggihan na iyong mga media personalities like Robin Padilla, eh sila po talaga ay kilala ng tao at pinakikinggan po ng tao,” giit ni Roque.

Nilinaw rin ng PA na nagdadalawang-isip si Padilla noon na tanggapin ang posisyon dahil kilala siyang supporter ng administrasyon at ayaw niyang mabigyan ng kulay pulitika ang kaniyang pagkakahirang sa board.

Kasabay ni Padilla na manunungkulan sa MSAB sina Vice Chairperson for MSAB StratCom, Muntinlupa District Representative Rufino Biazon at mga miyembro na kinabibilangan nina Davao de Oro 2nd District Representative Ruwell Peter Gonzaga; HRS Media and Communications CEO/Managing Director Harold Clavite at ang kapwa-aktor na si Matteo Guidicelli.

Loading…