Pamamahagi ng libreng washable face mask sinimulan na ng pamahalaan

Imahe mula sa DOH
  • Inilunsad ng DOH ang programang “Bida Solusyon: MaskVIDA laban kontra COVID-19”
  • Sa paglulunsad ay libreng ipinamigay ang 20,000 washable face masks sa mga residente ng Antipolo City
  • Layunin ng programa na makapagpamahagi ng 30 million face masks sa most vulnerable sectors ng bansa kabilang ang mga senior citizens, PWD, buntis at mga maralita

Inilunsad ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Health (DOH) ang programang pamimigay ng libreng washable face mask sa mga mamamayan. Umabot sa 20,000 piraso  ang naipamahagi sa mga residente ng Rizal province.

Imahe mula sa DOH

Tinawag na “Bida Solusyon: MaskVIDA (Mask for Vulnerable and Indigent; Delivered and Available) Laban Kontra COVID-19” ang programa na inilunsad kahapon, August 12, sa Ynares Center sa Antipolo City.

Layunin ng kampanya ng DOH na makapagpamahagi ng 30 million face masks sa mga mamamayang Pilipino na itinuturing na kabilang sa vulnerable sectors tulad ng mga senior citizens, buntis, disabled at angmga mararalita.

Sa ginawang paglulunsad, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na pinalalakas ng kanilang programa ang mga hakbang na ginagawa ng national at local governments na labanan ang pandemya kasabay ng pagbibigay ng livelihood sa mga tao.

Ayon kay Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, ang programa ay bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na istriktong ipatupad ang minimum health standard protocols sa mga komunidad.

Imahe mula sa DOH

Ani Sec. Lopez, ang mga reusable face masks ay ginawa ng mga small and medium enterprises na tinulungan ng DTI sa ilalim ng shared service facility program nito at ng mga dressmakers mula sa Technical Education and Skills Development Authority.

Sa pamamagitan ng recorded message via streaming, pinuri ni Sen. Bong Go ang mga medical frontliners ng Antipolo sa kanilang mga sakripisyo sa panahon ng pandemya. Hinikayat din niya ang mga residente na sundin ang mga health protocols kabilang ang pagsusuot ng face mask.

Imahe mula sa DOH

Sinabi pa ni Sen. Go na ayon sa mga eksperto, sa pagsusuot ng tamang uri ng face mask ay nababawasan ng hanggang 85% ang panganib ng pagkalat ng coronavirus at aabot ito sa 90% kung sasamahan pa ng face shield at physical distancing.

Ito, aniya, ang dahilan kung bakit obligado ang pagsusuot ng mga ito habang wala pang COVID-19 vaccine.

Loading…