Pambansang imbakan ng pagkain, gamot at iba pang gamit na kailangan sa emergency ipinanukala ni Sen. Lapid

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Lito Lapid
  • National Emergency Stockpile iminungkahi ni Sen. Lito Lapid
  • Ang panukala ay naglalayong masiguro na may sapat na supply ng pagkain, gamot at iba pa sa oras ng national emergency
  • Sa ilalim ng panukala, sisiguruhin na ang lahat ng rehiyon ay may stockpile ng medical supplies at pagkain

Naghain ng panukalang batas si Senator Lito Lapid na naglalayong magkaroon ang bansa ng imbakan ng mga pagkain, gamot, at iba pang mga kagamitan na kailangan tuwing may kalamidad o national emergency tulad ng kasalukuyang COVID-19 outbreak.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Lito Lapid

Sa ilalim ng Senate Bill 1752, ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay magtatatag ng National Emergency Stockpile na siyang magiging central repository at supply reserve ng mga pagkain, medical supplies, reserbang bakuna, kama, kumot, tent at iba pang mga bagay na kinakailangan tuwing may kalamidad

“Responsibilidad ng ating gobyerno na pangalagaan ang kapakanan ng ating mga kababayan lalo sa gitna ng kalamidad at mga emergency, at magagawa lamang iyan kung may sapat tayong supply ng gamot, pagkain at basic commodities,” pahayag ni Sen. Lapid.

Dagdag pa niya, “Layunin ng aking isinusulong na panukala na maiwasan na umasa ang ating bansa tuwing may kalamidad, sa supply na magmumula sa ibang bansa na pihadong mahal ang presyo at malamang pa ay hindi rin sapat para tugunan ang ating pangangailangan.”

Ang paggamit ng mga inimbak na pangangailangan ay limitado lang dapat sa deklaradong national o local state of calamity o emergency. Dapat din na may approval ang NDRRMC bago gamitin ang stockpile.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Lito Lapid

“Sisiguruhin din natin na ang bawat rehiyon sa bansa ay may stockpile ng gamot at basic commodities para anumang oras magkaroon ng kalamidad at mangailangan ng supply ng gamot o pagkain ay mabilis itong maipamamahagi sa ating mga kababayan. Dapat ding ligtas ang mga nakareserbang gamot, pagkain at medical equipment mula sa pagnanakaw at pati sa disgrasyang hatid ng mga sakunang tulad ng sunog at lindol,” anang senador.

Ang lokasyon ng mga stockpile ay pananatilihing confidential at hindi ipaaalam sa publiko. Kailangan din ang mahigpit na monitoring sa bilang ng stockpile, expiration date at shelf life ng mga ito.

Imahe mula sa eCompareMo

At upang maiwasang mabulok at masayang, ang mga pagkain at gamot na malapit na ang expiry date ay ido-donate at agad ililipat sa mga tamang ahensya at institusyon gaya ng Department of Social Welfare and Development, Department of Health, mga pampublikong pagamutan at local government units.

Loading…