Pamilya ng nawawalang 14 mangingisda sa Mindoro, makatatanggap ng tig-P1-M compensation

Imahe mula sa PCG
  • Makatatanggap ng P1-M ang bawat pamilya ng nawawalang 14 mangingisda sa Mindoro
  • Pumayag na rin sa P40-M na kompensasyon ang may-ari ng FV Liberty 5
  • Sa Agosto 24 pormal na maghaharap ang dalawang panig upang ayusin ang settlement

Nagkasundo na ang pamilya ng nawawalang 14 mangingisda sa Mindoro at ang may-ari ng Chinese cargo vessel na M/V Vienna Wood upang magkaroon na lamang settlement sa pagitan ng dalawang panig.

Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes, ika-20 ng Agosto.

Imahe mula sa Irma Fishing and Trading

Ayon kay PCG Commandant Admiral George Ursabia, nakatakdang mag-usap sa Agosto 24 ang dalawang panig, halos dalawang buwan ang makalipas nang makabanggaan ng FV Liberty 5 ang M/V Vienna Wood sa karagatan ng Mamburao, Occidental Mindoro.

“Kahapon andito po ang may-ari ng F/V Liberty 5, dito sa Coast Guard, para ibalita sa amin, nagkasundo na po sila sa may-ari ng M/V Vienna Wood na magkaroon na sila ng settlement for the damages incurred,” bahagi ni Ursabia.

Pumayag na umano ang may-ari ng FV Liberty 5 na bayaran ng P40-M para sa nasirang bangka na sinakyan ng 14 mangingisdang Pinoy noong Hunyo 27.

File photo ng Vienna Wood/Imahe mula sa SCMP

“The Irma Fishing and Trading Inc., the owner of F/V Liberty 5, will receive a settlement amount of P40 million from M/V Vienna Wood to cover the cost of the distressed fishing vessel,” ayon pa sa opisyal.

Samantala, inaasahang makatatanggap din P1-M ang bawat pamilya ng nawawalang 14 na mangingisda.

Ilang linggo ring nagsagawa ng search and retrieval operation ang PCG para hanapin ang mga Pilipino subalit nabigo ang mga ito. Pormal nang itinigil ang operasyon noong Hulyo 7.

Sa kasalukuyan, may nakabinbing kaso laban sa 20 crew ng Chinese vessel sa  Regional Trial Court Branch 44 ng Mamburao. Naglabas din ng hold departure order ang korte upang hindi makalabas ng bansa ang mga ito.

Loading…