Pangulong Duterte naka-‘perpetual isolation’ matapos magpositibo sa COVID si Sec. Año

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM
  • Naka-perpetual isolation si Pangulong Duterte, ayon kay Roque
  • Regular din itong sumasailalim sa swab testing upang masiguro na hindi nahawaan ng virus
  • Ito ay matapos magpositibo sa COVID-19 si Sec. Año na dumalo sa meeting sa Davao

Sumailalim sa ‘perpetual isolation’ si Pangulong Rodrigo Duterte para protektahan ito matapos magpositibo sa COVID-19 si Interior Secretary Eduardo Año.

Si Año ay nakasama ni Duterte sa pulong ng mga opisyal sa Davao City noong Agosto 10.

“The president is in perpetual isolation because no one can come close to him. Whenever we meet with him there’s a velvet robe that keeps him at least six feet away from everyone else. No one can really come close to the president,” paliwanag ni Presidential Spokesperon Harry Roque sa isang virtual presser nitong Lunes.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

Naka-perpetual isolation  ang Pangulo na ang ibig sabihin ay ginagawa ng mga Presidential Security Group (PSG) ang kanilang trabaho na walang dapat makalapit kay Duterte, ayon pa kay Roque.

Regular din umano ang paggawa ng swab testing sa presidente upang masiguro na hindi siya nahawahan ng virus.

“Nagrereklamo siya dahil paulit-ulit na ‘yung pagsundot sa ilong niya,” anang tagapagsalita ng Palasyo.

Magugunitang inamin ni Sec. Año nitong Linggo na muli siyang nagpositibo sa coronavirus sa ikalawang pagkakataon. Isinapubliko niya umano para malaman kaagad ng mga nakasalamuha niya ang kaniyang kalagayan at makapag-self quarantine ang mga ito.

Subalit nilinaw ni Roque na malayo naman si Año sa Pangulo nang maganap ang meeting bukod sa protektado ito ng face mask at face shield.

Sec. Año| Imahe via Facebook

“Ang Presidente naman po, technically wala siyang close contact at kung we will go by the book hindi siya nag-close contact dahil malayo po kami lahat kay Presidente at naka-face shield at tsaka naka-face mask,” dagdag pa nito.

Maging si Roque, na dumalo rin sa nasabing meeting, ay sasailalim din sa self-quarantine sa loob ng limang araw bago magpapa-swab test upang malaman kung nahawaan siya ng virus.

Samantala, inaasahang muling lalabas sa publiko ngayong Lunes, ika-17 ng Agosto, ang Pangulo upang ianunsiyo ang magiging desisyon ng Palasyo hinggil sa lockdown sa Metro Manila at mga karatig probinsiya nito.

Loading…