
- Sa Mayo 2021 pa posibleng maturukan ng ‘Sputnik V’ vaccine si Pangulong Duterte
- Ito ay dahil marami pang dadaanang proseso ang bakuna simula ngayong Oktubre hanggang Mayo sa susunod na taon
- Sa kabila nito, umaasa pa rin ang Palasyo na magiging COVID-free ang bansa sa Disyembre
Posibleng sa Mayo 2021 pa matuturukan ng COVID-19 vaccine mula sa Russia si Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa pinakahuling pahayag ng Malakanyang nitong Huwebes, ika-13 ng Agosto.
Ito ay dahil ang gagawing Phase 3 clinical trials ng ‘Sputnik V’ sa Pilipinas ay magsisimula pa lamang sa Oktubre hanggang Mayo ng susunod na taon.

“Inaasahan po natin na pwedeng magpabakuna ang ating Presidente dito po sa Russian na bakuna sa Mayo a-1 2021,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa kaniyang televised press briefing.
Sa darating na Setyembre ay pag-aaralan ng vaccine expert panel ng bansa ang resulta ng Phase 1 at Phase 2 clinical trials ng nasabing bakuna. Bukod dito, kailangan pa ring iparehistro sa Food and Drug Administration (FDA) ang gamot na ginawa ng Gamaleya Research Institute of Epidemiology and Microbiology sa Abril 2021.
“Sabay po itong gagawin sa Russia. Ang Russia ang magpopondo ng clinical trial na gagawin sa Pilipinas,” dagdag pa ni Roque.

Iginiit din ng tagapagsalita ng Palasyo na hindi nagbibiro ang Pangulo nang sabihin nito na handa siyang mauna sa mga tuturukan ng bakuna sakaling maging available na ito sa publiko.
“It’s not a metaphorical statement. He’s willing to undergo it,” pahayag ni Roque.
Sa kabila ng mga bagong kaganapan, umaasa pa rin ang Malakanyang, tulad ng unang sinabi ni Pangulong Duterte, na magiging COVID-free na ang bansa sa darating na kapaskuhan ngayong taon.