Panukala ni Villar: Magtayo ng medical school sa bawat rehiyon ng bansa

Imahe mula sa Senate website
  • Nais ni Sen. Villar na magkaroon ng medical school sa bawat 17 rehiyon ng bansa
  • Ito umano ang paraan para mapunan ang kakulangan ng doktor sa atin
  • Isusulong rin niya ang scholarship para sa kursong Medicine

Para mapunan ang kakulangan sa mga doktor at nurses, kailangang magtayo ang gobyerno ng medical schools sa bawat rehiyon; ito ang naging panukala ni Senador Cynthia Villar.

Sa ginanap na deliberasyon sa Senado para sa Senate Bill 1520 o ‘Medical Scholarship Bill’, sinabi ng mambabatas na kailangang atasan ang mga SUCs (state universities and colleges) na magkaroon ng kahit isang medical school sa bawat 17 rehiyon sa buong bansa.

Image by Cynthia Villar via Facebook

Ito lang umano ang paraan para punuan ang kakulangan ng mga medical practitioner sa ibang bahagi ng Pilipinas.

“Dapat magtayo ang malalaking SUC ng isang medical school sa bawat region. Kapag tinayuan mo all 17 regions, makukuha mo na ang target na number of doctors at nasa buong Pilipinas pa sila. Hindi mangyayari na may region na walang duktor,” anang senadora.

Dapat rin umanong makipagtulungan ang SUCs sa Department of Health (DOH) upang pangasiwaan ang mga itatayong medical schools. Sa kasalukuyan kasi ay nangangailangan ang bansa ng 79,800 na doktor para maabot ang ideal ratio na 10 physicians para 10,000 mamamayan.

Ang kakulangan umano ng medical schools, bukod pa sa mataas na gastusin para sa medical career, ang karaniwang dahilan kung bakit iilan lamang ang kumukuha ng kurso para maging doktor.

Imahe mula sa PGH RHEUMATOLOGY

“We should start building medical schools in the provinces and providing scholarships to make the study of medicine affordable. If we do this, we will soon have more doctors,” ayon pa kay Sen. Villar.

Sa ginawang deliberasyon, ikinagulat din ni Villar nang malaman nitong 9 lamang sa 114 SUCs ang mayroong medical school.

Bukod dito, isusulong rin niya umano ang pag-aalok ng scholarship sa kursong Medisina. Unfair daw ito sa mga doktor dahil bukod sa napakaimportante ng kanilang propesyon, hindi rin sila basta-basta nakakapag-practice hangga’t hindi kumpleto ang premed at medicine-proper courses.

Loading…