Paubos nang kalapati na sa ‘Pinas lang matatagpuan, tagumpay na naparami sa Singapore

Imahe mula sa DENR
  • Naibalik na sa Pilipinas ang sampung Luzon Bleeding-Heart doves mula sa Singapore
  • Noong 2012, dalawang pares ng Luzon Bleeding-Hearts ang dinala sa Singapore para sa conservation breeding
  • Ang orihinal na dalawang pares ay naging 60 makalipas ang walong taon

Noong 2012, dalawang pares ng kalapati na tinatawag na Luzon Bleeding-Heart ang dinala sa Singapore para sa conservation breeding upang paramihin ang mga ito dahil itinuturing silang near-threatened species o malapit nang maubos.

Imahe mula sa Wildlife Reserve Singapore

Makalipas ang walong taon ay tagumpay na naparami ang mga kalapati sa 60 mula sa orihinal na dalawang pares nito.

Noong August 20, 2020, naibalik na Pilipinas ang sampung bleeding-heart doves matapos ang mahabang partnership ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Avilon Zoo sa Rizal province at Jurong Bird Park sa Singapore.

Si Philippine Ambassador to Singapore Joseph Del Mar Yap ang dumalo sa simbolikong turnover ng sampung kalapati mula sa Jurong Bird Park noong August 19 sa layuning muling maibalik ang mga ito sa Pilipinas.

Sumailalim sa one-month quarantine ang mga kalapati bago ilipad patungo rito upang matiyak ang maganda nilang kalusugan. Ang mga ito ay kasalukuyang sumasailaim ulit sa one-month quarantine sa pangangalaga ng DENR bago pakawalan sa isang protected area sa Luzon.

Imahe mula sa DFA

Tinawag na bleeding hearts ang mga naturang kalapati dahil sa kulay pulang balahibo sa dakong dibdib nito. Ang mga ito ay endemic o dito lang matatagpuan sa central at southern Luzon.

Dahil sa makatawag-pansin na pulang balahibo sa dibdib ay madali silang makita ng mga poachers at ibinebenta sa mga pet lovers.

Ang unti-unting pagkawala ng kanilang tirahan ay isa rin sa dahilan ng kanilang pag-unti, dahilan para ituring silang near-threatened species, ayon sa Red List of Endangered Species ng International Union for Conservation of Nature.

Ang Luzon Bleeding-Hearts ay ground-dweller at lumilipad lang ang mga ito kapag mamumugad.

Imahe mula sa DENR

Loading…