Philhealth ‘office nightclub’ sa oras ng trabaho nabulgar sa ulat ng Senado

Screenshot mula sa Twitter video ni Kat Domingo/ ABS-CBN News
  • Nabulgar sa Senate report ang ‘office nightclub’ sa loob ng Philhealth
  • Nangyari ito sa kaarawan ng isang mataas na opisyal ng ahensiya
  • Ginawa umano ito habang nasa oras ng trabaho

Kabi-kabilang kontrobersiya ang kinakaharap ngayon ng mga opisyal ng PhilHealth maliban sa alegasyon ng katiwalian. Ang pinakahuling nabulgar ay  ang pagdaos diumano ng ‘office nightclub’ sa loob mismo ng opisina ng ahensiya.

At ang pinakamasaklap pa ay ginawa ito sa oras ng trabaho at wala man lang ni isa sa mga opisyal ang nagtangkang pigilan ito.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Gordon

Ayon sa ulat ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon, may natanggap silang kopya ng isang video kung saan makikita ang isang babaeng maselan ang kasuotan at sumasayaw nang malaswa habang pinapanood ng mga empleyado.

Nangyari umano ito sa ginanap na pagdiriwang ng kaarawan ni Regional Vice President (Region IV-B) Paolo Johann Perez. Si Perez ay isa sa mga opisyal na inaakusahang kasapi sa tinaguriang ‘mafia’ sa loob g PhilHealth.

“On his birthday, Perez received a gift, an enormous box, in his office. A girl, dressed in nothing but her underwear, danced and gyrated provocatively in front of Perez,” ayon sa Senate report.

Hindi naman nakasaad kung kailan naganap ang insidente na binansagang ‘office nightclub’ ni Perez.

“Perez enjoyed the performance and was seen smiling in the video. He did not prevent the incident, or report and issue any reprimand to the employees who brought the girl,” wika pa ng nasabing ulat.

Screenshot mula sa Twitter video ni Kat DOmingo/ABS-CBN News

Dagdag pa ni Gordon, naganap ang ‘office nightclub’ sa oras ng trabaho at makikita rito ang mga empleyadong naghihiyawan at nagpapalakapakan.

Inamin naman ni Perez na nagkaroon nga ng programa noong kaarawan niya subalit wala umanong babaeng sumayaw na nakahubad. ‘Talent’ lang daw ang babae at kinantahan lamang siya bilang partisipasyon ng isang division na hindi nakapaghanda ng performance para sa kaniya.

“Ang nangyari po noon, dahil maingay ang crowd di po siya nakakanta. Wala po akong alam doon, it came as a surprise to me,” paliwanag pa ng opisyal ng Philhealth.

Giit pa ni Perez, siya mismo ang nagpahinto sa ‘performance’ bago niyaya ang kaniyang mga kasamahan para kumain ng tanghalian sa labas.

Loading…