Ilang opisyal ng PhilHealth sinuspinde ng Ombudsman

Imahe mula sa Philhealth
  • Pinatawan ng suspension order sa loob ng anim na buwan ang ilang matataas na opisyal ng Philhealth
  • Hindi pa malinaw sa order ng Ombdusman kung saang kaso may kaugnayan ang suspension order
  • Hindi naman nakasama rito si Philhealth President at CEO Ricardo Morales

Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang ilang opisyal ng PhilHealth sa gitna ng ginagawang pagdinig sa Senado tungkol sa diumano’y malawakang katiwalian sa ahensiya.

Umabot sa 13 matataas na opisyal ng state insurer ang pinatawan ng suspension sa magkahiwalay na order na ibinaba ng Ombudsman na may petsang Agosto 18.

Imahe mula sa Wikipedia

Ang pinatawan ng preventive suspension na walang sahod sa loob ng anim na buwan “in consonance with Section 9 of Administrative Order No. 17, amending Rule III of Administrative Order No. 07 (Rules of Procedure of the Office of the Ombudsman) and Section 24 of R.A. 6770 (Ombudsman Act of 1989)” ay sina: Roy Ferrer, Celestina Ma Jude dela Serna, Ruben John Basa, Dennis Mas, Shirley Domingo, Rodolfo Del Rosario, Raul Dominic Badilla, Israel Pargas, Angelito Grande, Lawrence Mijares at Leila Tuazon.

Imahe mula sa Philhealth

Pinatawan din ng suspension sa loob ng anim na buwan sa isa pang hiwalay na order sina: Roy Ferrer, Ruben John Basa, Clementine Bautista, Angelito Grande at Eugenio Donatos II.

Hindi pa malinaw kung saang kaso ng mga opisyal may kaugnayan ang suspension order at kung may kinalaman ito sa anomalya sa COVID. Hindi rin nabanggit kung sabay o magkasunod na bubunuin nina Ferrer at Basa ang anim na buwang suspension.

Ang kopya ng nasabing suspension order ay ipinadala kay PhilHealth  President and CEO Ricardo Morales at Board chairperson at Health Secretary Francisco Duque. Ang dalawang nabanggit na opisyal, bagama’t parehong idinadawit ngayon sa anomalya sa loob ng ahensiya, ay hindi nakasama sa mga sinuspindeng opisyal.

Samantala, hindi pa umano pormal na natatanggap ng PhilHealth ang kopya ng suspension order at maglalabas sila ng opisyal na pahayag anumang oras.

Loading…