PhilHealth president and CEO Ricardo Morales nagbitiw na sa tungkulin

Imahe mula sa PhilHealth
  • PhilHealth president and CEO Ricardo Morales nagbitiw na sa puwesto
  • Ang pagbibitiw ay kasunod ng naunang pahayag ni Pangulong Duterte na panahon na para mag-resign si Morales dahil na rin sa medical condition nito
  • Kinumpirma ng Malacañang nitong Miyerkules, August 26, ang pagbibitiw sa puwesto ni Morales

Kasunod ng mga alegasyon ng malawakang korapsyon sa kanyang ahensya, nagbitiw si Ricardo Morales, ang president at chief executive officer ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth, sa kanyang tungkulin na isang taon rin niyang hinawakan.

Imahe mula sa PhilHealth

Kinumpirma ng Malacañang nitong Miyerkules, August 26, ang pagbibitiw sa puwesto ni Morales.

“This is to confirm that the Office of the President has received today, August 26, the resignation letter of Philippine Health Insurance Corporation President and Chief Executive Officer Ricardo C. Morales,” saad ni  Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing.

Ginawa ang pagbibitiw kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na panahon na para mag-resign si Morales dahil na rin sa iniinda nitong karamdaman.

Matatandaang noong August 10 ay nag-file ng medical leave si Morales dahil kailangan niyang sumailalim sa chemotherapy sessions.

Dalawang araw makalipas niyon, bigla siyang umalis sa imbestigasyong ginagawa ng House of Representatives tungkol sa isyu sa PhilHealth. Idinahilan niya sa pag-alis ang kanyang medical condition.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala pang ginagawang aksyon ang Pangulo sa resignation ng PhilHealth official.

“We are still awaiting President Rodrigo Roa Duterte’s further action/instruction on the matter,” ani Roque.

Ang PhilHealth ay inimbestigahan matapos ibunyag ng whistleblower na si Atty. Thorrsson Montes Keith, ang dating anti-fraud officer ng ahensya, na ibinulsa ng mga matataas nitong opisyal ang tinatayang P15 billion.

Screenshot mula sa video ng Senate of the Philippines

Aniya, naging kultura na ang korapsyon sa PhilHealth dahil sa mafia o sindikato sa loob ng ahensya.

“Naniniwala po ako na ang dahilan kung bakit hindi natatapos ang korapsyon sa PhilHealth at naging kultura na po nito, ay ang pagtatalaga ng mga sindikato o mafia ng kanilang kasamahan, kasabwat o kapwa sindikato sa mga matataas na posisyon na nakakatulong sa kanilang iligal operasyon,” aniya.

Loading…