Pinaniniwalaang debris mula sa eroplano natagpuan sa Eastern Samar

Imaeh mula sa Leyte-Samar Daily Express/Juvimar Lira
  • Natagpuan ang dalawang debris sa magkahiwalay na lugar sa Eastern Samar
  • Pinaniniwalaang bahagi ito ng eroplano subalit iimbestigahan pa ito
  • Wala rin umanong natagpuan na kontrabando sa loob ng mga debris

Dalawang piraso ng misteryosong debris ang magkahiwalay na natagpuan sa Eastern Samar noong Huwebes, ika-6 ng Agosto.

Ang mga debris, na pinaniniwalang mula sa isang eroplano, ay natagpuan ng mga lokal na residente at mangingisda sa bayan ng Mercedes at Guiuan sa Eastern Samar.

Imahe mula sa News5

Ang unang debris ay nakita umano bandang alas-7:30 nang umaga sa baybayin ng Anuron Beach, Mercedes ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP). Malaki at mabigat umano ito dahil kailangan pa ng 10 tao bago ito mabuhat.

Makaraan ang ilang oras, natagpuan din ang pangalawang debris sa Barangay Taytay sa kalapit na bayan ng Guiuan, mga tatlong kilometro ang layo mula sa kung saan nakita ng unang debris.

Kaagad namang pinuntahan ito ng mga kinatawan mula sa CAAP, pulisya at DEA upang siyasatin kung mayroong ilegal na kontrabandong nakapaloob doon. Subalit walang natagpuan ang mga awtoridad kaya nai-turn over na ang debris sa Philippine Coast Guard (PCG).

Imahe mula sa News5

Inaasahang ibibigay ang pangangalaga nito sa militar na siyang magsasagawa ng kaukulang imbestigasyon.

Samantala, kinumpirma naman Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC) na walang naiulat na nawawalang eroplano sa lugar na sakop ng flight information region (FIR) ng Pilipinas  nitong mga nagdaang araw at maging sa mga karatig-bansa.

Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa mga awtoridad kung saan nanggaling ang mahiwagang mga debris.

Loading…