‘Pinas posibleng makakuha ng libreng bakuna mula sa Russia – Duterte

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM
  • Maaaring makakuha ng libreng bakuna ang Pilipinas mula sa Russia
  • Inalok umano siya ni Russian President Vladimir Putin subalit walang sinabi kung babayaran ito
  • Patuloy na umaasa ang Pangulo na available na ang bakuna nitong darating na Disyembre

Maliban sa China, posible rin umano na makakuha ng libreng bakuna sa COVID-19 ang Pilipinas; ito ang ibinahagi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ginawang public address nitong Lunes ng gabi, ika-10 ng Agosto.

Maaari umanong magsagawa na ng clinical trials ng vaccine sa darating na Setyembre o Oktubre at ipamamahagi na ito sa mga susunod na buwan.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

Ibinahagi rin ng Pangulo na inalok siya ni Russian President Vladimir Putin ng bakuna subalit walang sinabi kung pababayaran ba ito o libre.

“Maligayang-maligaya ako kasi ang Russia kaibigan natin ito. Wala tayong away sa Russia. Ang ano nila is bibigay sila ng bakuna, wala naman silang sinasabing ‘Bayaran mo,’” ayon sa Pangulo.

“Ito tingin ko kay President Putin, tulong niya sa atin, libre. Kaya ngayon, tinatanggap natin at kung ano ang supply, mag-usap pa kami kung ilan ang kailangan natin,” dagdag pa nito.

Handa rin daw si Duterte na siyang unang magpabakuna sa publiko sakaling dumating na ito.

Imahe mula sa The Jakarta Post

“Ako, pagdating ng bakuna in public, para walang satsat diyan, in public magpa-injection ako. Ako ‘yung maunang ma-eksperimentuhan,” wika pa ng presidente.

Sa isang press conference noong Biyernes, ibinahagi ng Russian ambassador na si Igor Khovaev na nakatuklas na ng ‘ligtas at epektibong’ bakuna ang kaniyang bansa at handa silang mag-supply nito sa Pilipinas.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na nangako rin sa kaniya si Chinese President Xi Jinping na Pilipinas ang isa sa unang makakuha ng bakuna mula sa China kapag ipinamahagi na ito.

Umaasa pa rin si Duterte na magiging COVID-free na ang bansa sa darating na Disyembre.

Loading…