PNP chief Gamboa itinangging nagpa-party at live concert sa Baguio City

PNP chief Gen, Archie Gamboa| Imahe mula sa PNP-Facebook
  • Itinanggi ni PNP chief Gamboa na nagdaos ng farewell party at live concert sa Baguio
  • Ito ay para umano sa nalalapit niyang pagretiro sa serbisyo ngayong Setyembre
  • Kumalat kasi sa social media ang isang text message mula sa isang residente na nakatira kung saan idinaos ang concert

Itinanggi ng Philippine National Police chief Gen. Archie Gamboa na nagdaos ng farewell party at live concert sa lungsod ng Baguio para sa kaniyang nalalapit na pagretiro sa serbisyo

Ito ay matapos kumalat sa social media ng isang text message mula sa isang netizen na nagkaroon umano ng party at tugtugan sa official residence ng PNP sa loob ng Navy Base sa Baguio City Biyernes ng gabi.

Imahe mula sa Facebook

Ang nasabing text message ay nagmula sa isang residente umano na nakatira malapit sa base.

“There is no truth to the allegations spreading on social media,” ani Gamboa sa isang pahayag na inilabas ng kaniyang tanggapan.

Iginiit din ni Gamboa na dumaan ang kaniyang grupo sa triage at mayroon lang tatlong sasakyan sa kaniyang convoy na mas kaunti kaysa sa pinapayagan ng CPNP Health Protocol.

Imahe mula sa Facebook-PNP

“There was no party or concert. It was a dinner that ended at 9:30 p.m.,” paliwanag pa ng opisyal.

Nasunod din umano ang social distancing sa naturang pagtitipon at tumuloy ang kaniyang contingent sa CPNP cottage ng base kung saan sila nanatili.

Sinabi rin ni Gamboa na maaari itong kumpirmahin kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong dahil nakipag-ugnayan naman sila sa alkalde.

Imahe mula sa Facebook

“Mayor Benjie Magalong was well aware of my presence and our activities were duly coordinated,” ayon pa kay Gamboa na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) class of 1986 at nakatakdang magretiro sa darating na Setyembre.

Pinabulaanan din ni Baguio City Police chief Col. Allen Rae Co ang kumakalat na text at sinabing nasa lungsod ang PNP chief para dumalo sa testimonial parade sa PMA na kinalaunan ay kinansela rin dahil sa umiiral na COVID-19 pandemic.

Loading…