PNP chief kinumpirmang nakatanggap ng imbitasyon mula sa grupong nagsusulong ng revolutionary gov’t

PNP chief Gen, Archie Gamboa| Imahe mula sa PNP-Facebook
  • Nakatanggap umano ng imbitasyon si PNP chief Gamboa mula sa MRRD-NECC
  • Ang MRRD-NECC ay kilalang tagasuporta ni Duterte at nagsusulong ng revolutionary gov’t
  • Nais ng grupo na pamunuan ni Duterte ang RevGov sa ilalim ng isang ‘revolutionary constitution’

Kinumpirma ni Philippine National Police chief Gen. Archie Gamboa na nakatanggap siya ng imbitasyon mula sa grupo na kilalang masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa pagtitipon tungkol sa revolutionary government.

Ayon kay Gamboa, hindi niya personal na nakita ang sulat na nanggaling sa Mayor Rodrigo Roa Duterte – National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) subalit nabasa niya umano ang laman nito sa Viber.

Imahe mula sa PNP-Facebook

Mayroong petsang Agosto 17 ang sulat at ang pagtitipon naman ay itinakda noong Agosto 20.

“Yes, I have read it in the Viber. It’s supposed to be set yesterday but I am still trying to search for the communication kasi personally hindi pa umabot sa akin,” ani Gamboa.

Posible umanong natanggap ng Directorate for Operations ang sulat, ayon pa kay Gamboa.

“Anyway tapos na ‘yung supposed to be set na meeting. So titingnan ko kung ano ang magiging action nila kasi nga hindi natuloy ‘yun,” wika nito.

Ang MRRD-NECC ay pinamumunuan nina dating TESDA Dir. General Atty. Guiling Mamondiong bilang national chairman, Bobby Brilliante bilang deputy national spokesperson at Atty. Francisco Buan bilang national spokesperson.

Kinumpirma ni Brilliante, na siya ring Revolutionary Government Committee head, na maliban kay Gamboa ay inimbitahan din nila sa naturang pagtitipon sina Armed Forces Chief Lt. Gen. Gilberto Gapay at Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Imahe mula sa MRRD-NECC Facebook

Ang MRRD-NECC ay siya ring grupo na nagtulak noon kay Duterte para tumakbo sa pagkapangulo taong 2016. Ang koalisyong pinangungunahan nito na nagsusulong sa isang revolutionary government ay may suporta ng halos 40 na grupo.

Naniniwala ang MRRD-NECC na kailangan ang revolutionary government upang mapadali ang pagtatag ng pederalismo sa bansa bago bumaba sa puwesto sa 2022 si Duterte.

Sa isang sulat nito, sinabi ng grupo na aapela sila kay Duterte na pamunuan ang revolutionary government sa ilalim ng isang ‘revolutionary constitution’ na magkakaroon ng bisa hanggang December 31 ng susunod na taon.

Loading…