Pokwang napaiyak nang sariwain ang pag-alis sa ABS-CBN

  • Naging emosyonal si Pokwang nang gunitain ang paglisan sa bakuran ng dating home network na ABS-CBN
  • Isa siya sa mga sinabihang wala nang kontrata na nag-ugat na rin sa retrenchment ng kompanya matapos ibasura ang pag-aapply sa bagong prangkisa nito
  • Naging tahanan ng komedyante ang network sa loob ng 15 taon kaya mabigat sa loob niya ang paglisan dito; mabuti na lamang daw at sinalo siya ng TV-5

Hindi napigilan ng komedyante at ngayon ay host na si Pokwang na hindi mapaiyak nang sariwain niya ang kaniyang paglisan sa bakuran ng ABS-CBN matapos ang 15 taon, sa virtual press conference para sa kaniyang bagong game shows na “Fill in the Bank” at “Bawal na Game Show” sa TV-5 Kapatid Network.

Kabilang kasi si Pokwang sa mga artista ng ABS-CBN Kapamilya Network na maagang inabisuhang wala nang kontrata, kaya naman, nagpapasalamat pa rin siya sa pamunuan dahil nabigyan siya ng pagkakataong makahanap ng paraan. Pamilyadong tao si Pokwang kaya hindi maaari ang “ngumanga” o huminto sa pagtatrabaho. Nagsimula ang karera ni Pokwang nang manalo siya sa isang comedy contest sa naturang network, at the rest is history, ‘ika nga.

Public Domain Image

Mabigat umano ang tuluyan niyang pamamaalam sa mga kapamilya sa ABS-CBN subalit labis-labis umano ang kaniyang pasasalamat sa Kapamilya Network dahil sa oportunidad na ibinigay nito sa kaniya. Naunawaan naman daw siya ng mga kasamahan sa “Banana Sundae”, ang gag show na kinabibilangan ni Mamang Pokwang, sa kaniyang desisyon.

Bukod kasi sa may sarili na siyang pamilya, siya rin ang nagpapagamot sa kaniyang nanay na may iniindang karamdaman na “Alzheimer’s.”

Bagama’t napagsarhan ng pinto, nagbukas naman ang mga bintana ng TV-5 sa kaniya, sa pamamahala ng APT Entertainment. Hindi lang isa kundi tatlong shows ang ginagawa niya ngayon. Bukod sa nabanggit na mga game show, may morning show pa siya na “Chika, Besh” kasama sina Ria Atayde at Pauleen Luna-Sotto.

Mapapanood ito mula Lunes hanggang Biyernes ng 10:00 ng umaga. Ang Fill in the Bank naman ay tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes ng 7:30 ng gabi sa TV-5.

Public Domain Image
Source :

PEP, Trending PH, MSN

Loading…