Pres. Duterte itinanggi na may kinalaman siya sa isinusulong na “RevGov”

Imahe mula sa PCOO
  • Itinanggi ni Pangulong Duterte na may kinalaman siya sa isinusulong na “RevGov”
  • Ang “RevGov” ay isinusulong ng isang grupo ng supporters ng Pangulo sa layuning mapabilis ang pagtatatag ng federal form of government, na isa sa campaign promises ni Pang. Duterte
  • May sinisilip na tatlong opsyon ang Pangulo upang maamyendahan ang 1987 Constitution at hindi kasama roon ang pagkakaroon ng “RevGov”

“Wala akong pakialam diyan, wala akong kilala sa mga tao na ‘yan at hindi ko ‘yan trabaho.” Ito ang mariing pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa revolutionary government” (RevGov) na isinusulong ng isang grupo ng kanyang mga supporters.

Imahe mula sa PCOO

Ang RevGov ay isinusulong ng grupong Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) na diumano ay may layunin na mapabilis ang pagkakaroon ng federalism sa bansa.

Ang pagkakaroon ng federalist form of government ay isa sa mga campaign promises ni Pang. Duterte.

Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi pa naman inaabandona ng Pangulo ang kanyang pangako subalit hindi raw kasama sa opsyon ang pagtatatag  ng RevGov upang maisulong ang pederalismo.

Hindi naman po iyan kasama sa constitutional options dahil constitutionally elected President po si Presidente Duterte,” paliwanag ni Roque.

Aniya, may sinisilip na tatlong opsyon ang Pangulo upang maamyendahan ang 1987 Constitution. Ito raw ay ang Constitutional Convention o ConCon, Constituent Assembly o Con-Ass at ang people’s initiatives.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

“One of the three po, any of the three will do para po isulong iyong charter change para sa federalism,” anang tagapagsalita ng Pangulo.

Pinasinungalingan ni Roque ang mga sapantaha ng ilan na may balak si Pangulong Duterte na palawigin ang pananatili sa kanyang posisyon bilang Presidente ng bansa.  Tiniyak niya na malayung-malayo iyon sa isipan ng Pangulo.

“Kung kayo po ay nagkakaroon ng agam-agam na he will stay beyond his term, naku that’s the farthest from the mind of the President and I can assure you that po,” paniniyak ni Roque.

Ipinagtanggol naman ni Roque mula sa mga bumabatikos ang proponents ng “RevGov.”

Aniya, hayaan na lang ang grupo dahil mayroon silang karapatan ng malayang pamamahayag.

Imahe muila sa Philippines Report
Source :

GMA Network, PNA

Loading…