Ronald Cardema muling itinalaga bilang commissioner ng NYC

Imahe mula sa AdvocatesOMI
  • Muling itinalaga bilang NYC commissioner si Ronald Cardema
  • Kinumpirma ito ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya
  • Dating na-disqualify si Cardema bilang nomineeng Duterte Youth partylist dahil sa pagiging overaged

Muling itinalaga bilang commissioner ng National Youth Commission (NYC) ang kontrobersiyal na si Ronald Cardema, isang taon matapos i-disqualify ng Commission on Election (Comelec) ang kaniyang nomination bilang kandidato ng Duterte Youth partylist.

Sa isang Facebook post na ibinahagi ni Calamba Mayor Justin Marc Chipeco, ibinahagi ng alkalde na  nanumpa umano bilang Assistant Secretary ng National Youth Commission si Cardema nitong Lunes, Agosto 3.

Imahe mula sa facebook ni Mayor Justin Marc SB. Chipeco

Kinumpirma naman ito sa GMA News ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, subalit hindi bilang assistant secretary kung hindi bilang commissioner ng NYC.

“Yes, he’s back but as commissioner of the NYC,” ani Malaya.

Ang NYC ay nasa ilalim ng pamamahala ng DILG. Dati rin itong pinamunuan ni Cardema bago nagpasyang tumakbo bilang partylist representative para palitan ang kaniyang asawa.

Magugunitang kinansela ng Comelec First Division ang nominasyon ni Cardema bilang kandidato ng Duterte Youth partlist noong Agosto 5, 2019 dahil sa pagiging overaged. Ito ay matapos umamin si Cardema na 34 anyos na siya.

Imahe mula sa Facebook ng Dutertte Youth partylist

Labag ito sa itinakda ng Section 9 ng Republic Act 7941, o “Party-list System Act,” na nagsasabing hindi dapat lumampas sa 30 anyos ang edad sa araw ng eleksiyon ng sinumang nais kumatawan sa sektor ng kabataan sa Mababang kapulungan.

Sinubukan pang kuwestiyunin ni Cardema ang desisyon ng Comelec sa rasong hindi lang kabataan umano kundi mga propesyunal din ang kinakatawan ng Duterte Youth, subalit tuluyan itong ibinasura ng poll body noong Pebrero ngayong taon.

Loading…