Roque nagbantang sasampahan ng kaso ang nagpakalat ng ‘fake news’ tungkol sa kaniyang sinabi

Imahe screenshot via RTVM Facebook
  • Binantaan ni Roque na sasampahan niya ng kaso ang nagpakalat ng pekeng qoute card
  • Iginiit ng opisyal na hindi nanggaling sa kaniya ang mga salitang nakalagay dito
  • Pinatotohanan na rin umano ito ng pahayagan kung saan nagmula ang orihinal na quote card

Nagbanta si Presidential Spokesperson Harry Roque na sasampahan niya ng reklamo ang sinumang nagpakalat ng diumano’y ‘fake news’ hinggil sa kaniyang naging pahayag kamakailan tungkol sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Nagalit si Roque matapos kumalat ang quote card ng isang pahayagan kung saan mababasa ang dinoktor na pahayag niya at lumabas na ganito: “COVID lang ‘yan, kunti lang namamatay, kahit umabot pa ng 10 million ang infected sa Pinas, walang mawawala sa atin, siguro 10 thousand lang ang patay. Be thankful instead kasi ang Pangulo natin ay hindi nahahawaan. Kaya blessed pa din tayo.”

Imahe mula sa Facebook ni Atty. Harry Roque

Samantala, ang tunay na laman ng quote card ay: “Dahil mas maigting ang ating pagti-test, hindi po totoo na mas maraming kaso tayo kaysa sa Indonesia – hindi lang nalalaman ng mga Indonesian kung sinu-sino iyong mga umiikot na mayroon na pong sakit; at least tayo po, alam natin kung sino na po sila.”

Giit ni Roque, hindi nanggaling sa kaniya ang mga salitang nakalagay sa quote card dahil ibang-iba ang kaniyang pahayag. Bukod dito, sinabi na rin umano ng pahayagan na talagang fake news ang kumalat na quote card.

“At iyong mga magkakalat ng fake news, sasampolan ko po kayo. Paimbestigahan ko kayo at ako po ay magsasampa ng kaso, antayin ninyo po iyan,” ani Roque.

Imahe mula sa Twitter ni Sec. Harry Roque

Nagpaalala rin ang opisyal sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling balita sa gitna ng umiiral na pandemiya.

“At mag-ingat po tayo sa mga fake news. Tanging sa web page lang po ng Presidential Spokesperson or sa Harry Roque page kayo kumuha ng impormasyon or ‘di naman kaya sa PCOO web pages,” anito.

Ang pahayag ni Roque na dinoktor ay ginawa matapos malampasan ng Pilipinas ang bansang Indonesia sa bilang ng may pinakamaraming kaso ng coronavirus sa Timog Silangang Asya.

Loading…