Roque sa Chinese product na may label na “Manila, Province of China”: Kalokohan lang, ‘di dapat pinapansin

Imahe mula sa Facebook
  • Hindi na dapat pansinin ang Chinese hair product na may address na ‘Manila, Province of China’
  • Ito ang paninidigan ng tagapagsalita ng Palasyo na si Sec. Harry Roque
  • FDA na umano ang magdedesisyon kung dapat itong ipa-blacklist

Iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na dapat pang pagtuunan ng pansin ang kontrobersiya ng Chinese product na mayroong ‘misleading’ na label sa packaging nito.

Nitong Huwebes ay kumalat sa social media ang larawan ng Ashley Shine Keratin Treatment Deep Repair na isang Chinese hair product. Gawa ito ng Elegant Fumes Beauty Products, Inc. na nakabase sa Binondo, Chinatown.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Subalit makikita sa address nito sa packaging na nakalagay ay “1st Floor, 707 Sto. Cristo St., San Nicolas, Manila Province P.R. China”.

“Eh sa akin kalokohan lang po iyan ‘no, hindi dapat pinapansin iyan ‘no dahil wala namang naniniwala na tayo ay probinsya ng Tsina. Sinisiguro po na lahat ng Pilipino ay nagmamahal sa bayan,” pahayag ni Roque nang tanungin tungkol dito sa ginanap na press conference.

“We are proud to be Filipinos and we will never allow to be subjugated by any foreign body,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Palasyo.

Taliwas naman ito sa naging hakbang ni PBA Party-list Rep. Jericho Nograles na ipa-ban ang nasabing produkto dahil hindi lang umano ito isang simpleng pagkakamali kung hindi isang malaking insulto sa bansa na sinadya.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Sumulat din kaagad ang mambabatas kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez para aksiyunan ang nabanggit na Chinese hair product.

TIngin naman ni Roque, FDA na ang magdedesisyun kung ipaba-blacklist ang produkto lalo pa’t mayroong criteria dito na dapat sundin.

“I think one of those is kung mayroong banta sa kalusugan ng mga gagamit nito. So let’s allow the FDA to exercise their exclusive jurisdiction pagdating sa bagay na iyan,” paliwanag ni Roque.

Magugunitang sumikat ang ‘Philippines, Province of China’ matapos itong gawing biro ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap mismo ni Chinese President Xi Jinping noong 2018.

Loading…