Sa Bicol, kahit mga superheroes ay nagsusuot ng face mask at face shield

Imahe mula sa LYDO Catanduanes
  • Kahit superheroes ay nakasuot ng face mask at face shield sa Catanduanes
  • Ang mga rebulto ng superheroes ay sinuotan ng face mask at face shield upang hikayatin ang mga mamamayan na seryosohin ang pagsusuot ng proteksyon laban sa COVID-19
  • Ginawang mandatory sa probinsya ang pagsusuot ng face mask at face shield sa mga pampublikong lugar

Ang mga superheroes ay may kanya-kanyang weaknesses. Maging ang quintessential superhero na si Superman ay may kahinaan – ang kryptonite, isang materyal kung saan gawa ang planetang Krypton na pinanggalingan niya.

Imahe mula sa Why-Sci

Boring kung walang weakness ang superhero, pero hindi mo rin naman gugustuhing hindi nag-iingat ang paborito mong superhero, lalo na sa mga kalabang hindi nakikita.

Sa Bicol region, ang mga superheroes ay gumagamit ng face mask at face shield bilang proteksyon sa hindi nakikitang kalaban, ang SARS-CoV-2 o ang virus na nagsasanhi ng COVID-19.

Si Incredible Hulk, Captain America, Green Lantern, Flash, Wonder Woman, Batman at Superman – lahat sila ay pinagsuot ng face mask at face shield para magsilbing huwaran ng publiko sa pag-iingat laban sa COVID-19. Mga estatwa lang sila na ginamit na palamuti sa paligid ng kapitolyo ng Catanduanes.

Imahe mula sa LYDO Catanduanes

Pinangunahan ng Local Youth Development Office (LYDO), Governor’s Office Information Unit at Congressional District Office ang paglalagay ng face mask at face shield sa mga superhero na makikita sa paligid ng Provincial Capitol Playground.

Ginawa ito noong August 14 o isang araw bago gawing opisyal ang mandatory na pagsusuot ng face mask at face shield.

Imahe mula sa LYDO Catanduanes

Bukod sa mga superheroes, sinuotan din ng proteksyon sa COVID-19 ang estatwa ng dalawang karakter sa “Frozen” na sina Elsa at Anna; gayundin ang mga rebulto ng mga naunang lider ng probinsya.

Ayon sa provincial government, ito ang paraang naisip nila upang hikayatin ang mga mamamayang Catandunganon na seryosohin ang pagsusuot ng face mask at face shield. Seryoso rin daw nitong ipatutupad ang mga health protocols upang mapigilan ang pagdami ng mga nagkakasakit.

Imahe mula sa LYDO Catanduanes

Loading…