“Sa totoo lang ang COVID curable; sobrang pananakot sa atin ang ginawa ng DOH” – Atty. Larry Gadon

Imahe mula sa Facebook account ni Atty. Larry Gadon
  • Sinabi ni Atty. Larry Gadon na sobra ang ginagawang pananakot ng DOH hinggil sa COVID-19
  • Tumigil umano ang takbo ng ekonomiya dahil sa pananakot ng DOH
  • Naniniwala si Atty. Gadon na nagagamot ang COVID-19 kung sa simula pa lang ay gagamit na ng gamot tulad ng Lianhua Qingwen

Naniniwala si Atty. Larry Gadon na kaya tumigil ang pag-usad ng ekonomiya ng bansa ay dahil sa diumano ay ginagawang pananakot ng Department of Health (DOH) tungkol sa COVID-19 na aniya ay  curable o nagagamot naman.

Imahe mula sa Facebook account ni Atty. Larry Gadon

“Para sa akin, kalabisan na sa akin eh, either naka-face shield ka o naka-face mask ka. Hindi ako naniniwala sa DOH. Sa totoo lang, ang COVID curable. Sobrang pananakot sa atin ang ginawa ng DOH, tumigil ang ekonomiya natin sa sobrang pananakot nila,” ani Atty. Gadon.

Ang pahayag ay ginawa ng abogado habang nasa Supreme Court upang ihain ang kanyang petisyon na ipawalang-bisa ang Republic Act 6639 na nagpalit sa pangalan ng Manila International Airport upang maging Ninoy Aquino International Airport.

Aniya, kung sa simula pa lang ay gagamutin na agad ang COVID-19 gamit ang mga medisina mula sa China ay malulunasan ang karamdaman.

“Nagagamot ang COVID if at the onset, gamutin mo lang agad ng mga gamot na kagaya ng LianHua,” sabi niya na ang tinutukoy ay ang Lianhua Qingwen capsule.

Screenshot mula sa Inquirer video

Ayon sa Chinese respiratory expert na si Dr. Zhong Nanshan, ang Lianhua Qingwen ay napatunayang epektibong panlunas sa COVID-19.

“It’s the first time in the world that we have enough evidence to prove Lianhua Qingwen capsule is effective and can help patients recover,” anang eksperto sa isang webinar na ginawa noong buwan ng Mayo.

Kamakailan, ang naturang gamot ay inaprubahan ng Food and Drug Administration, ngunit nilinaw nito na hindi iyon gamot sa COVID-19. Ang Lianhua Qingwen capsule ay panlunas umano sa mga pasyenteng may sintomas ng mild respiratory tract illness tulad ng lagnat, pananakit ng kalamnan, sipon at malalabanan daw umano nito ang “heat-toxin invasion of the lungs.”

Imahe mula sa Chinese Embassy in Manila

BASAHIN: Traditional Chinese medicine aprubado ng FDA para sa mild respiratory tract symptoms, hindi para sa COVID-19

Ang Lianhua Qingwen ay hindi basta mabibili sa mga botika. Kailangan ang reseta mula sa doktor upang makabili nito.

Atty. Larry Gadon ipinaliwanag ang viral na larawan

Matapos ulanin ng batikos nang makuhanan ng larawan kung saan ay makikitang nakadikit sa face shield ang kanyang face mask imbes na isuot niya ito nang tama at maayos, nagpaliwanag si Gadon na hindi ganoon ka-importante ang face mask lalo na at may mga pag-aaral umano na nagsasabing kailangan lamang magsuot nito kapag nasa enclosed spaces.

“Pero kapag ikaw ay nasa labas, hindi mo kailangan ng mask. O kaya, mag-face shield ka na lang,” giit niya. “Ang mask, hindi naman talaga ganoon ka-importante iyan.”

Nagagamot din daw ang COVID kaya hindi ito dapat magdulot ng sobrang pagkatakot.

“Sobra-sobra na ang paranoia dito sa COVID. Sobrang pananak0t na… Ngayon naman ay curable na ang COVID. In fact, mas marami ang gumagaling sa bahay kaysa ospital,” paliwanag pa niya.

Loading…