Sarah Balabagan inaming si Arnold Clavio ang ama ng kaniyang panganay

Mga imahe mula sa Facebook, Twitter
  • Inamin na rin sa wakas ni Sarah Balabagan na si Arnold Clavio ang ama ng kaniyang panganay
  • Mahigit dalawang dekada na ang nakararaan bago binasag ni Sarah ang kaniyang katahimikan
  • Si Arnold daw mismo ang nagsabi noon sa kaniya na ‘wag aminin ang namagitan sa kanila

Makaraan ang mahigit dalawang dekada, binasag na ni Sarah Balabagan ang kaniyang pananahimik tungkol sa kung sino ang tunay na ama ng kaniyang panganay na anak.

Sa kaniyang Facebook Live noong Agosto 21, humingi ng paumanhin si Sarah sa kaniyang mister bagama’t may basbas naman umano nito ang ginawa niyang pagbubulgar.

Screenshot mula sa Facebook video ni Sarah Balabagan

Pinabulaanan muna ng dating OFW sa United Arab Emirates (UAE) ang mga lumabas na tsismis noon na nagtuturo sa kung sino ang tunay na nakabuntis sa kaniya. Kabilang sa mga pangalang naiugnay noon kay Sarah ay sina dating UAE Ambassador Roy Señeres na siya raw kumupkop sa kaniya nang siya ay nasa maselang kalagayan.

“Para hindi masira ang image ko noon at ‘yung image nu’ng taong ‘yun. Kinupkop ako at itinago ni ambassador pero ang nakakalungkot, e, sinasabi nilang siya raw ang ama,” lahad ni Sarah.

Maging ang negosyanteng si William Gatchalian na nagbigay umano sa kaniya ng $40,000 para sa blood money at ang broadcaster na si Rey Langit na nakasama niya sa isang programa sa radyo ay nakaladkad din umano sa isyu. Kapwa naman ito pinabulaanan ni Sarah.

“Ang ama po ng panganay ko ay yes, si Arnold Clavio po!” pag-amin ni Sarah.

Imahe mula sa Twitter

Ginawa niya umano ito matapos muling mag-viral ang isang post tungkol sa isyu at nabanggit ang kaniyang pangalan. Para rin daw ito sa kaniyang 22 anyos na panganay na anak upang maituwid na ang mga haka-haka tungkol sa pagkatao nito.

“Kaya ko to ginagawa dahil after 22 years, lumabas na naman. Sabi nga nila, walang bahong hindi lalabas. Hindi naman po ako nalungkot dahil by God’s grace, masaya na ako sa buhay ko,” wika pa ni Sarah.

Nagkakilala raw sila noon ni Arnold nang siya ay nakapiit pa sa bilangguan at madalas siyang dalawin ng broadcaster.

Sarah Balabagan, 1994| Imahe mula sa ABS-CBN

Naging close na umano sila at tuluyan nang nahulog ang kaniyang loob dito. Subalit si Arnold mismo umano ang nagsabi sa kaniya na ilihim ang kanilang pinagdaanan.

Marami pang ibinunyag si Sarah sa kaniyang video na mapapanood sa ibaba.

Si Sarah Balabagan ay dating OFW sa UAE na nahatulan ng bitay taong 1994 kaugnay sa pagkasawi ng kaniyang amo. Naging kontrobersiyal ang kaniyang kaso na sinubaybayan ng maraming Pilipino at ginawa pang pelikula.

Sa kasalukuyan ay masaya at tahimik na siyang naninirahan sa Las Vegas kasama ang kaniyang mister na si Jun Sereno at nagkaroon sila ng dalawang anak.

Panoorin ang pagbubunyag ni Sarah Balabagan:

Loading…