School Counselor nanawagang huwag kutyain ang mga guro

  • May panawagan ang isang school counselor
  • Huwag kutyain ang mga guro
  • Nagbigay rin siya ng inspirasyon sa mga gurong maituturing din bilang frontliners ng karunungan at kabutihang-asal

Bago pa man magbukas ang mga klase sa Agosto 24, 2020 sa pamamagitan ng distance learning, naging kontrobersiyal ang video ng “VinCentiments” na nagpapakita umano ng tunay na kalagayan at damdamin ng mga magulang, guro, at mag-aaral sa online class, at pagsusulong ng academic freeze; bagay na pinuna ng maraming netizens dahil sa pagyurak umano sa imahe ng mga guro.

Kaya naman, nanawagan ang isang netizen na si Martin Kit Juinio Guzman, School Counselor sa Shorouq Al Mamlakah International School sa Saudi Arabia, na tigilan ang pagkutya sa mga guro, na makikita sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Martin Kit Juinio Guzman/Public Domain Image

Ayon sa kaniyang salaysay, naanyayahan daw siya sa isang In-Service Training o InSet sa isang paaralan sa Maynila, sa pamamagitan ng Google Meet. Nagsimula umano siya sa pagbibigay ng online survey. Tinanong niya ang mga guro kung ano-ano ang mga nawala sa kanila noong nagsimula ang pandemya.

Marami umanong sumagot ng kalayaang pumili, ng kaligayahang nakukuha sa mga normal na ginagawa noon, at may ilang gurong katatapos lamang sa kolehiyo at sasabak na agad sa paghubog ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng online classes dahil sa sagot na natanggalan siya/sila ng pagkakataong maranasan ang graduation.

“Isa pang tanong ko sa mga guro ay kung ano ang mga nakuha nila (gains) ngayong panahong ito. Sinimulan ko sa pagsabing mas nakakapag-bond kami ng misis ko at natuto kami kahit papaano ng bagong skill tulad ng baking. Pero kahit i-lead mo ang isang tao sa sagot na nais mo, kahit gaano kaganda ang i-expect mong response mula sa kanila, kung may nararamdaman silang hindi maganda, lalabas at lalabas ito,” ayon sa kaniya.

Public Domain Image

Sa pagpapatuloy, “Nanlumo ako sa karamihan ng isinagot ng mga guro. Mas naging anxious daw sila. Mas nakararamdam ng takot. Mas nagkaroon ng kawalan ng kasiguraduhan sa buhay. May mga naglabas pa ng sentimyentong maaaaring depressed sila sa kasalukuyan. Nakadagdag pa rito ang mga tanong nila tungkol sa iba’t-ibang uri ng mental health issues pagkatapos ng presentation.”

Kaya naman, hindi raw matatanggap ang bagong pinag-uusapang short film ni Darryl Yap na siyang nagdirehe ng “KPL-Online Class.” Guro na naman daw ang “tinira.” Guro na naman daw kasi ang may mali sa script at pinagtatawanan.

Kaya panawagan niya, “Sana lang alam niya ang bawat hirap at pasakit na pinagdaraanan ng bawat titser na ginagamit niyang subject ng pagpapatawa at pagmumura. Kasi may kanya-kanya silang laban na kailangang ipanalo. Ang laban nila, hindi kasing-simple ng ipinakita sa pelikula niya na basta nakasigaw at nakapagmura, panalo na.

“Siguro ganito na lang. ‘Yang mga gawa mo lately, panay sigawan na lang kasi, eh. Bakit hindi maupo? Tapos makinig. Itikom muna ang bibig. Maging informed sa paghahandang ginagawa ng mga gurong hindi pa man nagsisimula ang klase, said na said na sa maraming bagay,” dagdag pa niya.

Public Domain Image

Kung tutuusin daw ay maituturing na frontliners din ang mga guro: na ang laban ay maturuan ng karunungan at kabutihang-asal ang mga mag-aaral, na maaaring nilalamon na ngayon ng mga uso ng kasalukuyan.

“Laban lang kahit mahirap. Laban lang kahit kinukutya. Laban lang. May mababago ka kahit sa gitna pa ng dilim at ng pandemya,” panghuling mensahe ng school counselor.

Hangad natin ang maayos na pagbubukas ng mga klase sa Agosto 24, 2020 alang-alang sa mga mag-aaral, magulang, at mga gurong panday ng kaalaman at kabutihan!

Loading…