Seaman na napurnada ang pagsampa sa barko dahil sa pandemya, kumikita ngayon sa paghahalaman

Imahe mula kay Ely Feria
  • Napurnada ang muling pagsampa sa barko ng isang seaman dahil sa pandemya
  • Sa gitna ng krisis, sinimulan ni Ely Feria noong Mayo ang negosyong paghahalaman sa puhunang P5,000
  • Sa loob ng halos tatlong buwan ay napalago niya sa P120,000 ang maliit na puhunan

Nakatakda sanang muling sumampa ng barko ang seaman na si Ely Feria ngayong taon, subalit dahil nagkaroon ng COVID-19 pandemic ay hindi ito natuloy.

Screenshot mula sa 24 Oras video

Dalawampu’t pitong taon nang seaman si Ely at umabot na siya sa posisyong 3rd Engineer sa barko na sumasahod ng hindi bababa sa P180,000 kada buwan. Marami na siyang naipundar para sa pamilya.

Nakapaglibot na rin siya sa halos lahat ng bansa sa mundo. Minsan, kasama pa niya ang kanyang asawang si Shiela.

Noong 2018 pa natapos ang huling kontrata niya. May pinagkakakitaan naman silang computer shop at bilyaran habang wala siyang bagong kontrata, pero dahil sa pandemya ay natengga rin ang kanilang pinagkakakitaan.

Sa gitna ng krisis ay nagsimula silang mag-asawa ng isang negosyo. Noong una ay paggawa ng mga paso ang piniling pagkakitaan.

Screenshot mula sa 24 Oras video

Kalaunan, naisip nila na bakit hindi na lang ituloy ang matagal nang pangarap ni Ely na magkaroon ng halamanan.

“Ang hilig ng mga tao ngayon dahil nga stressful ang panahon is puro paghahalaman. So, sabi ko sa kanya, what if i-pursue natin ‘yung noon-noon pang plano mo na gusto mo magkaroon ka ng garden? Magbebenta tayo ng mga halaman na ‘yan. Siguro it’s about time na ituloy natin,” paglalahad ni Shiela.

Screenshot mula sa 24 Oras video

At noon ngang Mayo ay sinimulan nila ang negosyong paghahalaman sa puhunang P5,000. Sa loob lang ng mahigit tatlong buwan ang maliit na puhunan ay napalago nila sa P120,000.

Ang dating seaman ay isa na ngayong certified “plantito” na kahit ano ang itanim ay nabubuhay.

Para kay Ely, isang blessing ang negosyong paghahalaman dahil kumikita sila habang magkakasama ang buong pamilya.

Ang payo ng mag-asawa sa lahat ay huwag magpakalugmok kahit may krisis na umiiral, dapat daw ay gumawa ng paraan.

Screenshot mula sa 24 Oras video

Loading…