Sen. Bong Go naglabas ng larawan ni Pangulong Duterte kasama ang pamilya sa Davao

Imahe mula sa PNA| Sen. Bong Go
  • Nagbahagi ng larawan ng Pangulo kasama ang kaniyang pamilya si Senador Bong Go.
  • Ito ay upang pabulaanan ang lumabas na ulat na lumipad patungong Singapore si Duterte nitong weekend
  • Kasama sa nasabing larawan si Honeylet Avancena at ang anak nilang si Kitty Duterte

Ibinahagi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang larawan ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang kaniyang pamilya habang kumakain sa kanilang tahanan sa Davao City nitong Lunes.

Ito ay matapos lumabas ang haka-haka na lumipad umano ang presidente patungong Singapore dahil sa isang medical emergency.

Imahe mula sa PNA| Sen. Bong Go

Sa larawang ibinahagi ni Go sa media, makikita ang Pangulo na kasamang kumakain ang kaniyang partner na si Honeylet Avancena, ang kanilang anak na si Kitty at isa pang bata.

Nitong Linggo ay pinabulaanan ng Palasyo na lumabas ng Pilipinas si Pangulong Duterte nitong nagdaang weekend sa gitna ng umiiral na COVID-19 pandemic.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nananatili umano sa bansa ang presidente at patuloy nitong pinangangasiwaan at binabantayan ang kasalukuyang sitwasyon.

Sa kaniyang televised briefing naman nitong Lunes, sinabi ni Roque na naka-‘perpetual isolation’ ang Pangulo matapos magpositibo sa coronavirus si Interior Secretary Eduardo Año.

Pang. Duterte, Agosto 10| Screenshot mula sa RTVM Facebook video

Si Año ay nakasama ni Duterte sa pulong ng mga opisyal sa Davao City noong Agosto 10.

“The president is in perpetual isolation because no one can come close to him. Whenever we meet with him there’s a velvet robe that keeps him at least six feet away from everyone else. No one can really come close to the president,” bahagi ng tagapagsalita ng Palasyo.

Regular din umano ang paggawa ng swab testing sa presidente upang masiguro na hindi siya nahawahan ng virus.

“Nagrereklamo siya dahil paulit-ulit na ‘yung pagsundot sa ilong niya,” ani Roque.

Samantala, hindi pa malinaw kung saan nanggaling ang ulat na lumipad patungong Singapore si Duterte para magpagamot.

Loading…