Sen. Tito Sotto may paalala kay Liza Diño: ‘Wag panghimasukan ang ‘di naman trabaho’

Imahe mula sa Facebook nina Sen. Sotto. FDCP chair Diño
  • May paalala si Sen. Sotto kay Liza Diño tungkol sa inilabas na guidelines ng FDCP
  • Tila ito raw ay panghihimasok sa hindi naman trabaho ng ahensiya
  • Binalaan din ni Sotto ang FDCP chair na gigisahin nila ito sa susunod na budget hearing

Pinaalalahanan ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III si Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairman at CEO Liza Diño na huwag ‘i-overstep’ ang kaniyang kapangyarihan hanggang sa puntong pinapakialaman na ng huli ang hindi naman niya trabaho.

Binalaan din ng senador si Diño na posible nila itong ipatawag upang gisahin sa susunod na hearing ng budget ng FDCP.

“Medyo huwag tayong nag-o-overstep. At huwag tayong, ‘ika nga, ay hindi naman natin trabaho ay pinapasukan na natin. Nababagabag ‘yung movie producers,” paalala ni Sotto matapos makipagpulong online sa mga producer ng programa sa telebisyon at pelikula.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Tito Sotto

Sa nasabing pulong, naglabas ng hinaing ang mga producers tungkol sa inilabas na guideline ng FDCP sa isang joint administrative order (JAO) nito na pirmado rin ng DOH at DOLE.

Sa nasabing guideline, kailangang magparehistro na sa FDCP ang alin mang naka-schedule na shooting para sa pelikula, TV, corporate AVP, animation, live events, at audio-visual content sa online platform pagkatapos ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ang sinumang mabigong sumunod sa JAO, ayon pa sa FDCP, ay papatawan ng “administrative fines” at karampatang “legal action”.

FDCP chair Liza Diño nagsalita na tungkol sa pagkakatanggal niya sa MMFF Execom

Sa isang liham ni Sotto kay Diño noong isang linggo, hiniling ng mambabatas sa FDCP chair na ipasuspendi ang pagpapatupad ng nabanggit na JAO dahil umano sa kakulangan ng ‘legal authority’ ng ahensiya na maglabas ng nasabing panuntunan.

Wala rin daw regulatory “powers and functions” na ibinigay ang gobyerno sa FDCP base na rin sa  R.A. 9167; ang batas na bumuo sa ahensiya kung saan isa si Sotto sa mga nagbalangkas.

Imahe mula sa Facebook ni FDCP chair Liza Diño

“Huwag lang siguro nilang hintayin na mag-hearing pa kami dito at pag-usapan pa namin ‘yan when budget season starts,” babala pa ng senador.

Bukod dito, kailangan din daw tingnan ang termino ni Diño sa FDCP lalo pa’t nasa ‘hold-over capacity’ na lamang ang kaniyang panunungkulan. Si Diño ay naitalaga noong 2016 at tatlong taon lamang dapat ang kaniyang panunungkulan.

Kamakailan lamang ay tinanggal si Diño bilang bahagi ng executive committee ng Metro Manila Film Festival dahil sa balak umano nitong kunin mula sa MMDA ang pamamahala ng MMFF.

Loading…