Senado, Kamara hindi magkasundo kung saan ilalaan ang P10-B na tourism assistance

Imahe mula sa PNA
  • Hati ang Senado at Kamara kung saan ilalaan ang P10-B pondo para sa tourism assistance
  • Nais itong ibigay ng Senado sa loan package habang gusto naman ng Kamara na mapunta ito sa infrastructure
  • Pabor naman ang isang tourism group sa panukala ng mga senador

Hindi magkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso kung saan dapat ilaan ang P10-B na tulong para palakasing muli ang turismo sa bansa sa ilalim ng panukalang Bayanihan to Recover as One or Bayanihan 2 bill.

Para sa mga senador, ang P10-B mula sa P165-B na budget para sa Bayanihan 2 ay dapat mapunta sa mga subsidiyang ipamamahagi sa maliliit na tourism industries tulad ng mga hotel at resort, ayon kay Senador Franklin Drilon.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

Subalit ayon naman sa mga kongresista ng Mababang Kapulungan, dapat itong ilaan sa pagsasaayos at pagtatayo ng mga imprastraktura tulad ng mga kalsada na mag-uugnay sa mga tourist spots sa bansa.

Masalimuot umano ang naging debate ng mga mambabatas tungkol sa nasabing usapin.

“Ang version ng Senado ay P10 billion para sa mga nahirapang kumpanya doon sa tourism enterprises. Subalit ang initial position ng House of Representatives ay yung P10 billion ay gagamitin sa kalsada at infrastructure para sa tourism areas,” ani Drilon sa panayam ng ABS-CBN Teleradyo.

Pinipilit umano ng mga kongresista na isailalim ang pondong ito sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) subalit hindi pumayag ang mga senador.

Paliwanag pa ni Drilon, mas higit na kailangan ng tourism industry ang mga loans kaysa sa mga infrastructure sa panahong ngayon.

Imahe mula sa Twitter

Pabor naman ang grupong Tourism Congress of the Philippines (TCP) sa panukala ng mga senador. Mas makatutulong daw sa turismo kung tatanggap sila ng ‘rescue package’ mula sa gobyerno upang matulungang maibangon ang industriyang iginupo ng pandemiya.

“We are not asking for a dole out and neither will it be so. We are seeking credit facilities, to be administered by the government financing institutions like the Development Bank of the Philippines and the Land Bank of the Philippines, to provide us with loans that will tide us over,” ayon sa pahayag na inilabas ng grupo.

Kasalukuyan pang pinagdedebatehan sa bicameral conference committee ang Bayanihan 2 at inaasahang maipapasa ito anumang araw ngayong linggo.

Loading…