Sickness benefit sa health frontliners na may mild case ng COVID-19 aprubado kay Pang. Duterte

Screenshot mula sa Mondogs TV
  • Inaprubahan ni Pangulong Duterte ang mungkahing bigyan ng sickness benefits ang health workers na magkakaroon ng mild case ng COVID-19
  • Sa ilalim ng Bayanihan 1 Law ang may benepisyo lang ay ang mga health workers na hindi nakaligtas at may severe COVID-19 cases
  • Ang mungkahi ni NTF chief implementer Sec. Galvez ay P10,000 lang, pero itinaas ito ni Pangulong Duterte sa P15,000

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahi ni National task Force Against COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez, Jr. na mabigyan ng sickness benefits ang health workers na mahahawahan ng COVID-19.

Screenshot mula sa video ng PCOO

Ang suhestyon ay ginawa ni Sec. Galvez sa huling televised press briefing sa Malacañang noong Linggo ng gabi, August 2.

Binanggit ng kalihim na sa ilalim ng Bayanihan To Heal as One Act, nagbigay ang pamahalaan ng isang milyong piso sa pamilya ng health workers na hindi nakaligtas sa COVID-19 at P100,000 naman sa mga health workers na nagkaroon ng severe case ng impeksyon.

“But for those mild who are also hospitalized and also having the anguish, we recommend na mabigyan sila kahit P10,000. Almost 5,000 ‘yung naging positive. Kasi ‘yung fear nila to be afflicted parang nagkakaroon sila ng discrimination,” mungkahi ni Sec. Galvez kay Pangulong Duterte.

“May emotional breakdown ang isang… especially ‘yong health care worker na he even exposed himself to the danger and later he will be discriminated. That anguish parang hindi natin maano. They spend din money for their own medicine. It is proper lang na mabigyan natin kahit konti, sir,” sabi pa niya.

Screenshot mula sa Mondogs TV

Hindi nagdalawang-isip ang Pangulo at agad niyang inaprubahan ang suhestyon ni Galvez. Itinaas pa niya sa P15,000 ang P10,000 na mungkahi ni Galvez na ibibigay sa mga health workers na may mild COVID-19.

“I agree with you. Even 15 thousand,” mabilis na sagot ni Pangulong Duterte.

Bukod sa monetary assistance, aprubado rin ng Pangulo na bigyan pa ang mga health workers ng mga karagdagang benepisyo kabilang ang  risk allowance, life insurance, free accommodation, free transportation, at free testing.

Batay sa pinakahuling tala ng Department of Health, umabot na sa 5,008 na ang mga health workers na nahawahan ng COVID-19 infection.

Screenshot mula sa Mondogs TV

Loading…