Surfboard na dalawang taon nang nawala sa Hawaii natagpuan sa Pilipinas

Imahe mula kay Doug Falter
  • Surfboard na nawala sa Hawai mahigit dalawang taon na ang nakalilipas, napadpad sa Pilipinas
  • Nalambat iyon ng isang mangingisda at binili ng kapitbahay sa halagang P2,000
  • Hinanap ng nakabili ang pangalang nakatatak sa surfboard at natunton ang may-ari niyon sa pamamagitan ng social media

Isang surfboard na nawala sa karagatan ng Hawaii mahigit dalawang taon na ang nakalilipas ang muling natagpuan sa Sarangani, Davao Occidental.

Imahe mula kay Doug Falter

Ang may-ari ng surfboard ay nakilalang si Doug Falter ng Hawaii. Sa isang Instagram post noong 2018, sinabi niya na habang nagsa-surf siya sa Waimea Bay ay napigtas ang leash ng surfboard na nakatali sa paa niya. Hindi na raw niya nahabol iyon hanggang anurin palayo.

Sinubukan niyang hanapin ang surfbord sa pamamagitan ng pag-post ng larawan niyon sa social media at sa mga dalampasigan kung saan makikita iyon ng mga mangingisda. Wala na siyang nabalitaan simula noon.

Ang surfboard ni Doug ay napadpad sa Pilipinas makalipas ang dalawang taon. Nalambat umano ito ng isang mangingisda sa Sarangani at inakalang bahagi iyon ng isang lumubog na bangka.

Nagka-interes namang bilhin iyon ng kapitbahay ng mangingisda sa halagang P2,000.

Ayon sa nakabili na si Giovanne, isang guro mula sa Davao City na na-assign sa Sarangani, gusto niyang gawing libangan ang surfing.

“Love ko talaga ‘yung  surfing. At saka may anak din ako na baka in the future gusto nila ng ganitong sport,” aniya.

Imahe mula kay Doug Falter

Nasa magandang kondisyon ang surfbord nang bilhin ni Giovanne bagama’t nawawala ang isa nitong fin. May imahe ng elepante na disenyo ang surfboard at may nakatatak na pangalang Lyle Carlson.

Hinanap umano ni Giovanne sa Facebook ang pangalang Lyle Carlson, na isa palang surfboard maker. Doon niya nalaman na isang Doug Falter ang may-ari ng biniling surfboard.

Kuwento naman ni Doug, nagpadala ng friend request sa kanya si Giovanne na agad niyang tinanggap. Itinag din siya ng guro nang i-post sa Facebook ang larawan ng surfboard.

Iba na ang kulay ng surfboard, subalit nakilala iyon ni Doug dahil sa elepanteng disenyo at sa pangalan ng surfboard maker.

Imahe mula kay Doug Falter

Masaya raw siya na napunta ang nawalang surfboard sa isang taong interesado sa sport. Kung wala nga lang daw travel restriction ay pupunta siya sa Pilipinas upang personal na makita si Giovanne at madalhan ng mga surfboards para maturuan ang 144 students ng guro sa Sarangani.

Nakalikom si Doug ng $1,000 donations at ibibili niya iyon ng mga surfboards at iba pang kailangan sa sport at ipadadala na lang daw ang mga iyon kay Giovanne.

 

Loading…