Talent fee ni Mayor Isko sa pagmomodelo, ibinigay sa reconstruction ng nasunog na Pandacan Church

Imahe mula sa Facebook post ni Mayor Isko Moreno
  • Ibinigay ni Mayor Isko para sa pagsasaayos ng Pandacan church ang kaniyang talent fee bilang modelo
  • Nagkakahalaga ito ng P700,000, ayon sa akalde ng Maynila
  • Nasunog ang Sto. Niño Parish Church sa Pandacan noong nakaraang buwan

Ibinahagi bilang donasyon ni Mayor Isko Moreno sa pagsasaayos ng nasunog na Sto. Niño Parish Church sa Pandacan, Maynila ang kaniyang kinitang talent fee bilang modelo ng isang vitamins.

Sa kaniyang Facebook wall, sinabi ng alkalde na kumita siya ng P700,000 na talent fee at ito ay buong-buo niyang ibibigay bilang tulong sa reconstruction ng Pandacan church na tinupok ng apoy noong nakaraang buwan.

Screenshot ng Facebook post ni Mayor Isko

“Ito po ay ang aking buong talent fee mula sa aking pagmomodel sa Livergold, at ito po ay agad nating inihatid sa kanila para po dagdag tulong sa pagsasa-ayos ng simbahan,” bahagi ni Yorme.

Tinupok ng apoy ang  Sto. Niño Parish Church noong Hulyo 10 at kasamang naabo dito ang 400-year-old na imahe ng Banal na Santo Niño.

Natagpuan naman ang Banal na Hostiya na buo at walang sira sa labi ng mga naabong bahagi ng simbahan.

“Kung matatandaan po natin, ay tinupok po ng apoy ang halos buong Sto. Niño Parish Church noong July. Agad po natin binisita si Msgr. Sonny de Claro at nangakong maghahatid ng tulong sa kanila,” anang alkalde.

Imahe mula sa Facebook post ni Mayor Isko

“Para sa mga minamahal kong taga-Pandacan, makakabangon po tayong lahat dito. Tiwala lang po at pananalig sa Diyos,” dagdag pa ni Mayor Isko.

Samantala, ibinahagi rin ng alkalde na magsisimula na silang mag-deliver sa susunod na linggo ng mga laptops at tablets para sa mga guro at estudyante ng pampublikong paaralan ng Lungsod ng Maynila.

May kasama din itong pocket wifi para sa teachers, at sim card na mayroong 10GB data allocation monthly para naman sa mga estudyante bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na blended learning na magsisimula na sa Oktubre.

Loading…