Ted Failon lilipat na rin sa ibang radio station?

Imahe mula sa Facebook- DZMM Teleradyo
  • Lilipat na umano sa Radyo 5 si Ted Failon mula sa DZMM Teleradyo
  • Posibleng isama ni Ted ang kaniyang staff sa ‘Failon Ngayon’ subalit hindi tiyak kung makakasama si Dj Chacha
  • Nagpaalam na rin si Vic Lima pati na ang programang ‘Red Alert’ nina Jeff Canoy

Nitong mga huling linggo, halos sunod-sunod na nagpaalam sa ere ang mga programa sa DZMM bunsod na rin ng kabiguan ng Kapamilya network na makakuha ng panibagong prangkisa mula sa Kamara noong nakaraang buwan.

Unang napabalita ang paglipat nina Anthony Taberna at Gerry Baja sa DZRH at kailan lamang ay nakumpirma ito matapos pumirma ng kontrata ang dalawang radio host sa istasyon na pag-aari ng pamilya Elizalde.

Sumunod na lumabas sa ulat ay ang posibleng paglipat ng batikang broadcaster na si Ted Failon sa Radyo 5 ng Kapatid network.

Imahe mula s Twitter

Ayon sa PEP, mayroon na umanong green light ang Radyo 5 para sa posibleng paglipat ni Failon. Maaari daw isama ng premyadong TV anchor-boradcaster ang kaniyang staff sa Failon Ngayon subalit hindi pa malinaw kung kasama rito ang kaniyang co-host na si DJ Chacha.

Samantala, nagpaalam na rin sa DZMM si Vic De Leon Lima ng “Tandem: Lima at Logan” kung saan nakatambal nito si Marc Logan. Napaulat na lilipat sa DWIZ si Lima at dito ay makakasama naman niya sa bagong programa ang dating ABS-CBN anchor na si Alex Santos.

Vic LIma| Imahe mula sa DZMM Teleradyo

Tumagal nang mahigit tatlong dekada ang karera ni Lima sa DZMM na nagsimula noong 1986. Malungkot man sa kaniyang paglisan sa radio station na itinuring na niyang pamilya, umaasa ang newscaster na makababangon pa rin ang ABS-CBN at ang kaniyang mga kasamahang naapektuhan ng pagsarado ng istasyon.

Isa pa sa nagpaalam na programa ng DZMM ay ang Red Alert (Response In Emergencies and Disasters ) na pinagsasamahan nina Jeff Canoy, Mahar Lagmay at Ted Esguerra at naririnig tuwing Linggo.

Red Alert| Imahe mula sa Instagram ni Jeff Canoy

Nitong araw ng Linggo, Agosto 23, ang pinakahuling araw na maririnig ang Red Alert sa himpapawid at hindi maiwasan ni Jeff Canoy na maging emosyonal sa kaniyang pamamaalam sa ere.

“It’s been a honor serving the public with these real-life heroes. Their passion to save lives and making the Filipino more prepared to face both the expected and unexpected is something I will try to carry with me,” ani jeff sa kaniyang Instagram post.

Loading…