“Terno is life” ka rin ba noong bata ka pa?

  • Bumalik sa gunita ng mga netizens ang pagsusuot ng “terno” noong sila ay bata pa
  • Ang salitang “terno” ay tumutukoy sa magkapares na damit na gawa sa parehong tela, kulay, o disenyo
  • Noong panahon ng mga Espanyol  sa Pilipinas, ang terno ay tawag sa damit na may tatlong piraso, na naging makabago’t karaniwang tawag sa “traje de mestiza” noong ika-19 siglo

Sinasabing ang paraan ng pagdadamit ay ekstensyon ng personalidad ng isang tao. Ito ay isa sa mga paraan niya upang maipakita ang kaniyang damdamin o saloobin. Sa bawat panahon, napapalitan din ang iba’t ibang nauusong estilo sa pananamit ng mga tao. Sino nga ba ang hindi makalilimot sa “pagteterno” noong bata pa tayo?

Iyan ang binalikang gunita sa Facebook page na “Papa” kung saan makikita ang larawan ng mga batang nakasuot ng terno, na ang ibig sabihin, kung ano ang kulay o disenyo ng pang-itaas, gayundin ang kulay o disenyo ng pang-ibaba, na babagayan pa ng footwear, bag, panyo, o mga accessories. Tuwang-tuwa kasi ang mga magulang kapag nakikita nila ang mga anak nila sa ganitong estilo ng kasuotan. ‘Terno is life“, kumbaga.

Imahe mula sa Facebook page na Papa

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Hahaha, ganiyan kami noong mga bata pa kami. Nanay ko rin, ganiyan,” sabi ng isa.

Salaysay naman ng isa, “Way back in college, may professor kami sa subject na Psychology na terno ang sinusuot niya araw-araw: mula sa bag, panyo, at sapatos. Pero hindi naman awkward tingnan, elegante pa rin. Katwiran niya, ganoon daw ang nausong fashion statement na kinalakhan niya. Siguro around 2008, ganoon pa rin ang style niya.”

“Sa mga bata lalo na kapag nakasuot ng pajama, ayos lang. Pero kung adult ka na, medyo asiwang tingnan lalo na kapag light color hehehe, hindi nakaka-professional tingnan,” wika naman ng isa.

Sa makabagong pagpapakahulugan naman, ang terno ay isang pangkat ng mga magkapares na damit na gawa sa parehong tela, kulay, o disenyo, na suot ng iisang tao lamang.

Public Domain Image

Subalit noong panahon ng mga Espanyol  sa Pilipinas, ang terno ay tawag sa damit na may tatlong piraso, na naging makabago’t karaniwang tawag sa “traje de mestiza” noong ika-19 siglo. Ang traje de mestiza ay karaniwang may blusang may maluwang na manggas (pinakanamumukod ang tinatawag na butterfly sleeves), may saya na sayad sa lupa ang haba, at kapares na pañuelo o alampay.

Sa mga magsing-irog, nauso naman ang pagsusuot ng mga tinatawag na “couple shirt” upang ipagmalaki sa publiko ang kanilang pagmamahalan. O kaya naman, tinatawag itong “twinning.”

Loading…