TESDA inutusan ng pamahalaan na gumawa ng 50 million face masks na ipamimigay nang libre

Imahe mula sa TESDA
  • Inatasan ng pamahalaan ang TESDA na gumawa ng 50 million washable and reusable face masks
  • Apat na buwan ang ibinigay na palugit upang tapusin ang mga face masks
  • Kapag natapos na ang mga iyon ay ita-turn over sa DILG upang maipamahagi ng libre sa publiko

Puspusan ngayon sa paggawa ng washable and reusable cloth face masks ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Ito ay kasunod ng utos na gumawa ito ng 50 million face masks na ipamimigay ng libre sa publiko.

Imahe mula sa TESDA

Sinabi ni TESDA deputy director  general for partnerships and linages na si Aniceto Bertis na naatasan ang ahensya na mag-mass produce ng face mask batay sa required quality standards at sa presyong hindi lalampas sa P15 bawat isa.

“We’ve been tasked to mass-produce the face masks based on required quality standards and at a cost of no more than P15 each,” ani Bertiz.

Apat na buwan ang ibinigay na panahon sa TESDA para tapusin ang 50 million face masks.

At upang maging mas mabilis ang kanilang produksyon, hihingin ng TESDA ang tulong ng Department of Trade and Industry na pakilusin ang mga small and medium enterprises, partikular na ang nasa garment industry.

Kapag natapos na ang milyun-milyong face masks ay ibibigay nila ang mga iyon sa Department of Interior and Local Government na siya namang mamamahagi sa mga local government units.

Imahe mula sa TESDA

Matatandaang noong buwan ng Marso, nang magsimulang magkaubusan ng supply ng face masks sa merkado dahil sa laki ng demand, sinimulan ng TESDA ang paggawa ng washable cloth face masks sa ilalim ng  home-based livelihood support program para sa mga mahihirap na pamilya.

Ang mga nagagawang face masks ay ipinamamahagi ng ahensya sa  mga overseas Filipino workers na nagbabalikbayan, health frontliners kabilang ang mga health workers, kapulisan at mga volunteers.

Imahe mula sa TESDA

SA official website ng TESDA ay may video ng step-by-step guide sa paggawa ng washable face mask at downloadable pattern.

Ang mga washable face masks ay may slot para malagyan ng tissue paper para sa karagdagang proteksyon.

 

Loading…