Tone-toneladang elephant ivory na nagkakahalaga ng higit P637 million pinulbos sa Singapore

Screenshot mula sa video ng The Straits Times
  • Siyam na tonelada ng ivory ang sinimulang durugin sa Singapore
  • Nagkakahalaga ang mga ito ng tinatayang $13 million o katumbas ng higit P637 million
  • Dinurog ang mga ivory upang hindi na iyon mapunta sa mga pamilihan

Tone-toneladang ivory mula sa tusks ng mga elepante ang sinimulang durugin at pulbusin sa Singapore kasabay ng paglulunsad ng Center for Wildlife Forensics at bilang paggunita na rin sa World Elephant Day.

Screenshot mula sa video ng The Straits Times

Ang pagdurog sa siyam na toneladang ivory ay sinimulan noong Martes, August 11, at inaasahang tatagal ng ilang araw. Ang naturang crushing event ay itinuturing na pinakamalaki sa buong mundo nitong ilang taong nagdaan.

Dinurog ang mga ivory upang hindi na iyon mapunta sa mga pamilihan at magsilbing hudyat na ang Singapore ay nakatuon sa paglaban sa illegal ivory trade. Pagkatapos durugin ay susunugin din ang mga napulbos na elephant tusks.

Tinatayang aabot sa $13 million o katumbas ng mahigit P637 million ang halaga ng mga sinirang ivory na galing sa humigit-kumulang 300 African elephants.

“We are crushing 9 tonnes of elephant ivory – the largest volume in recent years – to prevent the ivory from re-entering the market and to send a strong signal that Singapore is committed to combat the illegal ivory trade,” ayon sa National Parks Board (NParks).

Imahe mula sa The Straits Times

Ayon sa NParks, sa pamamagitan ng Center for Wildlife Forensics ay maaari nang ma-identify at ma-analyze ang mga illegal wildlife products na nasasamsam ng mga awtoridad. Malaking tulong umano ito sa ginagawang hakbang ng iba’t ibang bansa na wakasan ang poaching at wildlife trafficking.

Nasa 100 African elephants kada araw daw ang nabibiktima ng mga poachers na kumukuha ng ivory, meat at body parts.

Ang malaking parte ng demand sa ivory ay nagmumula sa ilang Asian countries, partikular na ang China at Vietnam kung saan ginagawa itong alahas at palamuti.

Screenshot mula sa video ng The Straits Times

Loading…