Tone-toneladang solid waste napigilang mapunta sa Manila Bay dahil sa trash traps ng DENR

Imahe mula sa DENR
  • Dahil sa trash traps ng DENR ay napigilan ang 30 toneladang solid wastes mula sa Central Luzon na maanod patungo sa Manila Bay
  • Limampung trash traps ang inilgay sa mga ilog sa Bataan at Pampanga
  • Regular na kinokolekta ng mga estero rangers ang mga basurang naiipon sa trash traps para itapon sa mga sanitary landfills

Tinatayang tatlumpung tonelada ng mga solid wastes mula sa Central Luzon ang napigilang maanod patungo sa Manila Bay dahil sa mga trash traps na inilagay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ilang ilog sa naturang rehiyon.

Imahe mula sa PTV News

Ibinahagi ni Paquito Moreno Jr., DENR regional executive director, na ang mga floating trash traps ay yari sa mga lambat na nilagyan ng mga empty plastic bottles, stryrofoam at iba pang recyclable materials.  Ang bawat isa nito ay may haba na mula 30 meters hanggang 100 meters.

Limampung trash traps ang nailatag ng DENR sa tulong ng mga local government units sa mga ilog ng Lamao, Orani, Orion, Pinulot, Pangulisanin, Amo, Aguawan, Almacen, Bilolo, Talisay, Mabuco at Samal sa Bataan, at sa Guagua-Pasak river sa Pampanga.

Ang mga ito ay inilagay sa mga ilog sa paraang hindi maiistorbo ang galaw ng aquatic life tulad ng mga isda.

Ang mga trash traps ay isa lang sa mga istratehiya ng DENR upang maiwasang maipon sa Manila Bay ang mga basura mula sa National Capital Region, at iba’t ibang kalapit na probinsya sa Southern at Central Luzon.

Imahe mula sa DENR

“Aside from the regular cleanup, which we are doing every week, these trash traps are another strategy to prevent the accumulation of garbage in the shoreline of our Manila Bay. Solid wastes are now being removed from the source before it reaches the bay,” ani Moreno.

Regular na kinokolekta ng mga estero rangers ang mga basurang naiipon sa trash trap. Nagsasagawa rin sila ng waste characterization bago itapon sa mga sanitary landfills ang basura.

Ang waste characterization ay ang pag-alam kung gaano karami ang papel, bote, food waste at iba pa ang itinatapon. Ang impormasyong nakakalap ay makatutulong sa paggawa ng plano kung paano mabasawasan ang basurang itinatapon, paggawa ng recycling programs at pagtitipid ng salapi at iba pang resources.

Imahe mula sa DENR

“Waste characterization is important for us to determine the focus of our Information, Education, and Communication activities especially on the behavioral change campaigns. The data can also be used in the formulation of environmental laws and policies,” paliwanag ni Moreno.

Hinimok niya ang publiko na makipagtulugan sa pagsagip sa Manila Bay at sanayin ang 3Rs ng solid waste management  – ang reduce, reuse at recycle.

Source :

PIA, PNA

Loading…