Traditional Chinese medicine aprubado ng FDA para sa mild respiratory tract symptoms, hindi para sa COVID-19

Imahe mula sa Chinese Embassy in Manila
  • Nilinaw ng FDA na hindi para sa COVID-19 ang traditional Chinese medicine na inaprubahan nito at binigyan ng Certificate of Product Registration
  • Ang paglilinaw ay inisyu ng FDA kasuod ng kalituhan dahil sa headlines ng mga balita at sa statement ng Chinese Embassy sa Maynila
  • Binigyang-diin ng FDA na wala pang aprubadong COVID-19 medicine sa Pilipinas

Nilinaw ng Food and Drug Administration Philippines (FDA) na hindi panlunas sa COVID-19 ang traditional Chinese medicine (TCM) na inaprubahan nito at binigyan ng Certificate of Product Registration dahil sa kalituhang idinulot ng headlines sa ilang online news sites.

Imahe mula sa Chinese Embassy in Manila

Maaari nga namang isipin ng mga nakabasa ng naturang headlines na panlunas sa mild at moderate COVID-19 cases ang Chinese medicine. Ganito ang ilang halimbawa ng headline tungkol sa gamot na iparubahan ng FDA: “PH approves traditional Chinese medicine capsule for COVID-19;” “FDA approves Chinese herbal medicine for COVID-19,” at “FDA OKs traditional Chinese capsule used to treat mild COVID-19 cases.”

Posibleng nagbigay din ng kalituhan ang bahagi ng statement ng Chinese Embassy sa Maynila hinggil sa approval ng FDA sa naturang gamot.

“It is our sincere hope that its entrance into the Philippine market will contribute to the fight against the spread of COVID-19 in this country and help the patients with mild and moderate symptoms recover,” bahagi ng statement ng Chinese Embassy sa Facebook page nito.

Imahe mula sa Chinese Embassy in Manila

Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, hindi panlunas sa COVID 19 ang aprubadong TCM kundi gamot para sa may mga respiratory illness.

“This is not approved as a COVID-19 medicine here in the Philippines. It’s approved as a traditional medicine for people who have respiratory illness,” paglilinaw ni Domingo.

Ang Lianhua Qingwen capsules ay ginagamit sa China bilang gamot sa mild at moderate COVID-19 cases, subalit sa Pilipinas ay aprubado lang ito para gamitin sa mga pasyenteng may sintomas ng mild respiratory tract illness tulad ng lagnat, pananakit ng kalamnan, sipon at malalabanan daw umano nito ang “heat-toxin invasion of the lungs.”

Imahe mula sa Chinese Embassy in Manila

Sinabi pa ni Domingo na isang prescription medicine ang Lianhua Qingwen capsules na kailangan ng reseta mula sa doktor para mabili sa mga licensed pharmacies.

Binigyang-diin ni Domingo na wala pang aprubadong COVID-19 medicine dito sa Pilipinas.

Loading…