Tulo sa kisame ng PhilHealth regional office sinadya kaya para masira ang mga potensyal na ebidensya ng katiwalian?

Screenshot mula sa isang video via YouTube
  • May cover up kayang nangyari sa “roof leak” sa PhilHealth Office sa Region 1?
  • Pinaimbestigahan ni Sen. Migz Zubiri ang tumutulong kisame na ikinasira umano ng mga dokumento at ilang computers
  • Pinabulaanan naman ng isang PhilHealth official na may cover up na ginawa kaugnay ng “leak incident”

May hinala si Senator Juan Miguel Zubiri na ang “roof leak” na diumano ay sumira sa mga dokumento at ilang computers sa opisina ng PhilHealth sa Dagupan City sa Pangasinan ay sinadya upang maantala ang ginagawang imbestigasyon sa hinihinalang katiwalian sa ahensya.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

Nanawagan ang senador sa National Bureau of Investigation (NBI) na gumawa ng pagsisiyasat upang alamin kung may cover up na naganap sa naturang regional office ng PhilHealth.

“’Yan na nga ba ang sinasabi ko na baka magkaroon ng cover up. We urge the NBI to get to the bottom of that to see if the roof leak was deliberately done to obstruct the ongoing investigations. We urge the executive and the Ombudsman to immediately implement the suspension orders and appoint trust worthy OICs so that the important documents can be protected,” aniya.

Nauna nang naglabas ng resolusyon ang Senado na humihikayat sa Office of the President na suspindehin ang top officials ng PhilHealth upang hindi magkaroon ang mga ito ng tsansang sirain ang mga potensyal na ebidensya na magpapatunay sa mga alegasyon ng katiwalian.

Sinabi naman ng Presidential Anti-Corruption Commission na sinisiyasat na nito ang “leak incident.” Binigyang-diin ng ahensya na iniimbestigahan nito ang PhilHealth Region 1 dahil wala itong ginawang aksyon sa umano’y mahigit 200 fraudulent claims, na ang karamihan ay “ghost patients.”

Screenshot mula sa isang video via YouTube

Pinasinungalingan naman ni PhilHealth Regional Vice President Alberto Manduriao na may cover up na nangyari sa tumutulong tubig sa kisame.

“All legal documents were safely secured and there is no truth to the allegation that there was a cover up of evidence. We assure the public that all documents are intact and are all accounted for,” ani Manduriao.

Paliwanag niya, nangyari ang insidente dahil sa malakas na pag-ulan. Bumisita na raw upang mag-imbestiga ang mga kinatawan ng kapulisan, fire department at NBI.

Binatikos naman ni Senator Bong Go ang kisameng may tulo. Aniya, ang laki-laki ng pondo ng PhilHealth pero hindi maipagawa ang bubong ng opisina.

Screenshot mula sa video ni Kuya Bong Go

Samantala, ipinahayag ni NBI Officer-in-Charge Director Eric Distor na pinababantayan niya ang main office at regional offices ng PhilHealth upang maiwasan ang posibleng pagsira ng mga ebidensya.

Loading…