Villar nilinaw na gov’t officials, hindi frontliners, ang tinutukoy na ‘pagbutihin ang trabaho’

Imahe mula sa PNA
  • Nilinaw ni Sen. Villar na hindi ang frontliners, kundi mga gov’t officials, ang kaniyang tinutukoy
  • Nabatikos ang senadora dahil sa kaniyang pahayag tungkol sa mungkahi ng mga frontliners
  • Lahat naman umano tayo ay nagnanais ng ligtas at isang COVID-free na pamayanan

Matapos mabatikos, nilinaw ni Senador Cynthia Villar na mga opisyal ng gobyerno, at hindi ang mga frontliners, ang kaniyang tinutukoy na kailangang ‘pagbutihin ang trabaho’ sa gitna ng patuloy na pagdami ng kaso ng coronavirus sa bansa.

Magugunitang natuligsa ang pahayag ni Villar sa isang panayam sa radyo kung saan tinanong siya kung pabor na ibalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila bilang tugon sa mungkahi ng mga ‘pagod na pagod’ nang medical frontliners.

Imahe mula sa Senate

“Hindi na siguro, pagbutihin nila trabaho nila.Hindi puwedeng isara ang ekonomiya kasi kung ‘di naman mamamatay sa COVID, mamamatay naman sa gutom ang tao,” tugon ng mambabatas na ikinadismaya ng karamihan.

Kaagad namang nilinaw ng senadora na hindi niya minamaliit ang mga sakripisyo ng mga frontliners; bagkus ay binibigyang-diin lang daw niya ang pangangailangan ng mga ahensiya ng gobyerno na pag-ibayuhin pa ang kanilang ginagawa sa kasalukuyan.

“We have to work harder and better, but I am not referring in particular to the medical workers–our frontliners. We are referring to all of us and DOH and PhilHealth in particular,” anang mambabatas sa isang pahayag nitong Lingggo.

Muli ring binigyang-diin ng senadora ang kaniyang panawagan sa mga lider ng pamahalaan na doblehin pa ang kanilang trabaho para mabawasan ang impact ng pandemya sa ekonomiya, sa sektor ng kalusugan at sa mga mamamayan.

Kinikilala rin umano niya ang mga sakripisyo at paghihirap ng mga frontliners at marami pang maaaring gawin ang gobyerno sa pagsugpo ng kumakalat na virus.

Imahe mula sa Good News Pilipinas

“Alam ko po ang sakripisyong ginagawa ng ating mga health frontliners. Buhay nila ang nakataya sa ginagawa nilang pag-aalaga sa ating mga kababayan na nagkaroon,” anito.

Ibinida rin ni Villar ang pagkakapasa sa Kongreso ng Bayanihan package 2 at ang hakbang ng economic team ng gobyerno na maghanap ng perang pagkukunan ng pondo para rito,

Sa huli, patuloy ng senadora, lahat umano tayo ay nagnanais ng isang ligtas at COVID-free na pamayanan.

“All of us are doing a difficult balancing act to keep people safe and alive. We all need to keep our jobs, the economy, to do our respective roles to sustain this. All of us have to work harder and better,” wika pa ng mambabatas.

Loading…