“Virtual watch party” ng mga politiko sa SONA ng Pangulo, pinuna ng mga netizens

  • Nagsagawa ng virtual watch party ang pamahalaang lokal ng Zamboanga del Sur bilang suporta sa 5th SONA ni Pangulong Duterte noong Hulyo 27, 2020
  • Hindi nakaligtas sa mapanuring mga mata ng netizens ang ilang mga paglabag ng mga dumalong politiko at panauhin, gaya ng hindi pagsusuot ng face mask at kawalan ng physical/social distancing
  • Sa caption naman ng kanilang mga larawan, inilagay nila ang disclaimer na lahat ng dumalo sa naturang pagtitipon ay nakasuot ng face masks; tinanggal lamang pansamantala para sa photo opportunity

Pinuna ng mga netizens ang “virtual watch party” ng mga politikong kaalyado umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Zamboanga del Sur noong Hulyo 27, 2020, petsa kung kailan ginanap ang 5th State of the Nation Address o SONA sa Batasang Pambansa.

Mapapansin sa mga larawang makikita sa opisyal na Facebook page ng Victory Zamboanga Del Sur”  na tila sila ay nasa pista at karamihan ay nakasuot ng kanilang Filipiniana o tradisyunal na kasuotang Pilipino bilang pakikiisa sa pangulo, sa pagbibigay nito ng ulat sa bayan, batay na rin sa itinatadhana ng Saligang-Batas.

Imahe mula sa Facebook page ng Victory Zamboanga del Sur

“NOTE: In line with the ongoing COVID-19 pandemic, all participants have their own face masks for safety precautions. They only removed their masks during photo ops,” ayon sa caption ng naturang post.

Dahil nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine ang lalawigan ng Zamboanga del Sur kung saan ipinagbabawal ang mass gathering at mahigpit na pagsunod sa health protocols, pinuna ng maraming mga netizens ang pagtatanggal nila ng face masks at halos hindi na rin nasunod ang physical o social distancing dahil magkakalapit at magkakadikit na sila.

Narito ang ilan sa mga reaksyon at komento ng mga netizens.

“Manonood lang ng SONA sa probinsiya may bonggang pa-party na akala mo pera nila ginastos pasaway talaga, kung namigay na lang kayo ng ayuda marami pa matuwa, tapos sabihin ninyo pasaway mga taong civilian?” turan ng isa.

Sabi naman ng isa, “No amount of justification can be done here, the photos speak a lot and there were violations against health protocol to counter the spread of the virus. Ano po ang aksyon ng pamahalaan laban sa kanila?”

Imahe mula sa Facebook page ng Victory Zamboanga del Sur

“Hindi mapaparusahan ‘yan kaalyado eh.. pero kapag mga ordinaryong tao gumawa niyan, tiyak na magkakahulihan at sasabihin ang titigas ng ulo ng mga tao. Two standards na naman po tayo eh,” pahayag ng isa.

Wala pang pahayag ang provincial government ng Zamboanga del Sur hinggil sa isyu.

Loading…