VP Leni hinggil sa RevGov: “Malaking kalokohan ‘yan!”

  • Sinabi ni Vice President Leni Robredo na kalokohan ang ideya ng RevGov o Revolutionary Government sa panahon ngayon ng pandemya
  • Hindi umano nararapat na isantabi o itapon ang Konstitusyong umiiral sa kasalukuyan, simula pa noong 1987
  • Nananawagan siya sa administrasyon na huwag suportahan ang mga ganitong uri ng pagkilos, na sa palagay niya ay hindi naman makatutulong

Tahasang sinabi ni Vice President Leni Robredo na malaking kalokohan ang nilulutong “Revolutionary Government” ng grupong sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte, na ipinahayag niya noong Linggo, Agosto 23, 2020, sa kaniyang lingguhang radio show.

Ayon sa pangalawang pangulo, wala sa timing ang usapin hinggil sa pagpapalit ng pamahalaan lalo pa’t nahaharap ngayon sa krisis ang bansa. Hindi rin basta-basta dapat isantabi ang Konstitusyon ng Pilipinas.

Public Domain Image

“Ang laking kalokohan niyan… Ang gusto sabihin dito, itapon ‘yung Konstitusyon natin, at diyan pa lang ilegal na eh. Ang tanong ko, bakit hinahayaan? Bakit hinahayaan ‘yung mga ganitong exercise na mangyari at a time like this?” aniya.

Ang umaapelang magkaroon ng rebolusyonaryong pamahalaan ay ang pro-Duterte group na “The Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee” na sinasabing pamumunuan ng mismong pangulo ang RevGov. Tinutulan naman ng mga mambabatas at mismo ng Palasyo ang panawagang ito.

Nanawagan si Robredo na isantabi at huwag pakinggan ng administrasyon ang panawagang ito.

“Ito ay supporters ng Pangulo. Sana ‘yung mga kasama ni Pangulo, hindi hinahayaan na bumuwelo ang mga ganito kasi ito ‘yung panira talaga sa lahat ng ginagawa natin, lalo na ngayong pandemic. Parang hindi siya makatarungan. Sana ‘yung authorities na may poder para hintuin ‘yung ganitong exercise ay sana maayos siya kasi hindi siya nakakatulong,” pagbibigay-diin ng Pangalawang Pangulo.

Public Domain Image

Dagdag pa niya, “Hindi talaga siya nakakatulong kasi ito ‘yung panahon na tayong lahat naghahanap tayo ng lider. Gusto natin naririnig natin ‘yung lider natin na nagbibigay sa ‘tin ng direksyon. Tapos, on the other hand, ang pinag-uusapan pagpalit ng Konstitusyon, pagdeklara ng RevGov… Maling-mali talaga siya.”

Matatandaang si Pangulong Duterte mismo ang advocate ng revolutionary government.

Loading…