Zen mansion ni Pacman sa Forbes Park ibinebenta sa halagang P1.5-B

Imahe mula sa Presello
  • Ipinagbibili na ang magarang mansiyon ni Senador Manny Pacquiao sa Forbes Park
  • Ang property na binili ng Pambansang Kamao noong 2011 ay ibinebenta sa halagang P1.5-B
  • Hindi naman malinaw kung bakit ibinebenta na ni Pacman ang kaniyang bahay sa Metro Manila

Ibinebenta na umano ang magarang property ni Senador Manny Pacquiao sa loob ng Forbes Park sa halagang tumataginting na P1.5-B.

Imahe mula sa Presello

Ang property na isinalarawan bilang ‘Zen Inspired Luxury Mansion’ ay nakalista ngayon sa mga ‘properties for sale’ sa Presello, isang kilalang real estate na nagbebenta ng mga mamahaling bahay at properties sa Metro Manila.

Ang lote ay may kabuuang lawak na 2,000 square meters habang ang bahay naman ay may floor area na  1,525 square meters. Mayroon itong 5 bedrooms, 7 bathrooms at 4 na carpark.

Bukod dito, mayroon ding swimming pool, barbecue area, lush garden, product showroom, personal lift, home theater, bar, lanai, indoor courtyard at utility area ang bahay na dinisenyo ni Architect Anton R. Mendoza at Budji+Royal Designs para sa interior design.

Imahe mula sa Presello

Bagama’t hindi nakasaad sa advertisement na ang pamilya Pacquiao ang may-ari, hindi maipagkakamaling ito nga ang mansiyon ng Pambansang Kamao dahil sa mga nakasabit na picture frames.

Maliban dito, eksaktong larawan din ng mga bahagi ng bahay ang dati nang ibinagi ni Jinkee Pacquiao sa kaniyang Instagram.

Binili ni Pacman ang nasabing property sa kasagsagan ng kaniyang boxing career noong 2011 sa halagang P388-M.

Imahe mula sa Presello

Magugunitang dati nang plano ring ibenta ng pamilya taong 2014 ang mansiyon matapos magreklamo ang kanilang kapitbahay dahil umano sa mga madalas at maraming bisita na dumadalaw sa kanila.

Hindi naman malinaw kung ano ang tunay na dahilan sa pagbebenta ni Pacquiao ng kanilang property sa Metro Manila. Ganun pa man, hindi na ito mahalaga dahil marami pa rin naman silang bahay sa General Santos City na halos kasingganda rin nito.

Loading…