20% ng multa mula sa quarantine violators sa Parañaque ibibigay sa barangay enforcers

Imahe mula sa Metro News Central
  • Ibibigay sa mga barangay enforcers ang 20% ng multa mula sa mga lumalabag sa health and safety protocols sa Parañaque
  • Ito ay bilang insentibo sa mga barangay enforcers na patuloy na sumusuong sa panganib na dala ng pandemya para tiyakin ang kaligtasan ng mga residente
  • Obligado na sa Parañaque ang pagsusuot ng face mask at face shield kapag nasa labas ng tahanan

Ibibigay sa mga barangay enforcers ang dalawampung porsyento ng multa na ibinayad ng mga taong lumabag sa health and safety protocols na ipinatutupad ng Parañaque City. Ang hakbang na ito ng city government ay bahagi ng financial assistance measures para sa mga frontliners.

Imahe mula sa Metro News Central

Ayon kay Mayor Edwin Olivarez, binigyan nila ng prayoridad ang pagbibigay ng insentibo sa mga barangay enforcers dahil patuloy nilang sinusuong ang mga panganib para lang maipatupad ang mga patakarang may kaugnayan sa COVID-19 upang tiyakin ang kaligtasan ng mga residente.

Aniya, panahon na upang bigyan ng pagkilala ang mga sakripisyo ng mga barangay officials at enforcers ngayong panahon ng pandemya.

“It is high time that the hard work and efforts of barangay officials and enforcers during this pandemic are recognized,” ani Mayor Olivarez.

Ang pagbibigay ng insentibo para sa mga enforcers ay nakapaloob sa city council ordinance 2020-33 na agad nilagdaan ng alkalde matapos mapag-alamang marami pa rin ang patuloy na lumalabag sa mga quarantine rules na ipinatutupad sa siyudad.

Magiging madali na para sa mga barangay enforcers ang gagawing paninita sa mga violators dahil nagpatupad ng ordinansa ang siyudad na obligado na ang lahat na magsuot ng face mask at face shield kapag nasa labas ng tahanan.

Imahe mula sa Metro News Centra

Sa ilalim ng nasabing ordinansa, magmumulta ng P1,000 at walong oras na community service ang first time offenders o kaya naman ay ipipiit ng hanggang anim na oras. Mas malaki ang multa kapag paulit-ulit ang paglabag.

Kapag menor de edad naman ang lumabag, ang mga magulang nito ang pagmumultahin.

Loading…