30 Tsino na naaktuhang nagsisiksikan sa loob ng KTV bar VIP room, pinagmulta

Screenshot mula sa Philstar video
  • Mga Chinese nationals naaktuhang nagsisiksikan sa VIP room ng isang KTV Bar sa Makati
  • Dinala ang mga dayuhan sa presinto subalit ibinalik din sa establisimyento dahil sa kawalan ng pagkukulungan sa kanila
  • Pinagmulta ang mga ito ng P1,000 bawat isa dahil sa paglabag sa social distancing rule

Dinampot ng mga awtoridad ang tatlumpung Chinese nationals na naaktuhang nagpa-party at lumabag sa social distancing rule sa loob ng isang KTV Bar and Restaurant sa Makati City noong Biyernes ng gabi, ika-25 ng Setyembre.

Screenshot mula sa GMA video

Kita sa isang video na sinubukan pang makipagtalo sa mga awtoridad ang isa sa mga Tsino na walang suot na face mask at palad lang ang ginamit na panakip ng bibig at ilong.

Katwiran ng mga dayuhan, hindi nila alam na may nilabag silang health at safety protocols na ipinaiiral sa Makati. Nagsasaya lang umano sila dahil kaarawan ng isa sa kanila. Wala rin daw silang iniinom na nakalalango.

Dinala sa presinto ang mga Chinese nationals ngunit ibinalik din sa establisimyento dahil walang lugar na pagkukulungan sa kanila.

Ayon kay Makati City Police chief Oscar Jacildo, katwiran ng mga Chinese nationals ay “bored” na raw sila kaya nag-party.

Screenshot mula sa Philstar video

Inisyuhan na lang ng violation ticket ang mga Tsino na ang multa ay isanlibong piso bawat isa para sa unang paglabag sa social distancing rule. Kinumpiska ang mga ID ng mga ito na maibabalik lang sa kanila kapag nakapagbayad na ng multa.

“Bago ko tikitan po, tinatanong ko muna anong violation po, social distancing. Wala [espasyo] kasi kung social distance po dapat meron pong mga ano po…plastic [barrier],” ayon kay Ronald Borbon, ng Makati Public Safety Department.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang manager ng KTV Bar and Restaurant.

Ang establisimyento ay maaaring pansamantalang ipasara o tuluyan nang hindi papayagang mag-operate, depende sa magiging resulta ng isinasagawang imbestigasyon.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…